Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Martes na umaabot na sa 122 katao ang naitalang nagkasakit dahil sa oil spill mula sa isang lumubog na oil tanker sa Oriental Mindoro.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na karamihan sa mga nagkasakit ay nakaranas ng pananakit ng ulo at mga respiratory-related symptoms gaya ng ubo at sipon.

Marami rin aniya ang nahilo, may sumakit ang tiyan, nahirapang huminga, nagkaroon ng skin rashes at sinumpong ng hika.

“Marami din pong nahihilo, 16. Meron pong mga sumakit ang tiyan, merong nahirapan huminga, 10. Merong nagkaroon ng skin rashes, around seven. At meron pong lima na na-aggravate—-dahil nga na-inhale nila—-na-aggravate ang kanilang asthma,” ayon kay Vergeire.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Karamihan naman aniya sa mga ito ay kaagad ring nakarekober mula sa dinanas na sintomas habang isa lamang ang kinailangang maospital dahil sa pagsumpong ng hika ngunit nakalabas rin ng pagamutan kinabukasan.

Dagdag pa ni Vergeire, “So ngayon po, mina-manage natin ‘yung mga sintomas na nararamdaman nila and of course, what would be most important would be, ma-prevent natin further ‘yung mga sintomas na mangyayari sa ating komunidad.”