Naitala ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang ikaanim na instant multi-milyonaryo ng kanilang mga lotto games.

Sa abiso ng PCSO, nabatid na isang Bulakenyo ang solong nagwagi ng₱49.5 milyong jackpot prize ng UltraLotto 6/58 na binola nitong Linggo ng gabi.

Matagumpay na nahulaan ng mapalad na mananaya ang six-digit winning combination ng UltraLotto 6/58 na 13-30-10-22-02-15 kaya’t naiuwi nito ang katumbas na premyo.

Ayon kay PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades Robles, ang winning ticket ay nabili ng lucky winner sa Meycauayan, Bulacan.

National

Bong Go, willing paimbestigahan sa Senado drug war ni Ex-Pres Duterte

Nabatid na ito na ang ikaanim na pagkakataon na may naging instant multi-milyonaryo ngayong Marso, hindi pa man nangangalahati ang buwan.

Nitong Marso 11, isang taga-Davao City, Davao del Sur ang solong nakapag-uwi sa₱29.7 milyong jackpot prize ng GrandLotto 6/55 na may winning combination na 45-29 -12-03-26-51.

Isang taga- Mandaue City, Cebu naman ang tumama sa Lotto 6/42 draw noong Marso 9, at nakapag-uwi ng jackpot prize na₱16,319,245.20, para sa six-digit winning combination na 06-18-26-29-17-11.

Noong Marso 7 naman, nasolo ng isang mananaya mula sa Pulilan, Bulacan, ang premyong₱109,630,146, matapos niyang mahulaan ang winning combination na 56-41-11-48-54-58.

Noong Marso 6 naman, napanalunan rin taga- Bayugan, Agusan del Sur, ang₱12,171,239.80 jackpot sa Megalotto 6/45 draw na ang lumabas na mga numero ay 26-43-11-18-05-45.

Nabatid na natamaan rin ng isang taga-Ozamis City, Misamis Occidental, ang jackpot sa Superlotto 6/49 draw na mahigit₱18.7 milyon para sa mga numerong 20-30-35-28-18-21 noong Marso 3.

Pinayuhan naman ni Robles ang mga naturang lotto winners na upang makubra ang kanilang premyo ay magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanilang winning tickets at dalawang balidong IDs.

Nagpaalala rin si Robles na sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, ang lahat ng lotto winnings na lampas sa₱10,000 ay papatawan ng 20% tax.

Ang mga hindi naman makukubrang papremyo sa loob ng isang taon ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.

Muli rin namang hinikayat ni Robles ang publiko na tumaya na sa lotto upang sila naman ang magkaroon ng pagkakataong maging instant multi-milyonaryo.

Ang GrandLotto 6/55 ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado habang ang UltraLotto 6/58 ay binobola tuwing Martes, Biyernes at Linggo.

Ang SuperLotto 6/49 naman ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Linggo, habang ang MegaLotto 6/45 ay may draw tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes at tuwing Martes, Huwebes at Linggo naman ang bola ng Lotto 6/42.