Tila mapalad ang Marso para sa mga mananaya ng lotto.  Ito’y dahil lima na sa kanila ang naging instant multi-milyonaryo, hindi pa man nangangalahati ang buwan.

Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), isang Davaoeño ang naging ikalimang multi-milyonaryo sa lotto ngayong Marso matapos na solong mapanalunan ang P29.7 milyong jackpot prize ng GrandLotto 6/55 sa lotto draw nitong Sabado ng gabi, Marso 11.

Matagumpay na nahulaan ng mapalad na mananaya, na mula sa Davao City, Davao del Sur, ang six-digit winning combination ng GrandLotto 6/55 na 45-29 -12-03-26-51 kaya’t naiuwi nito ang katumbas na papremyo.

Anang PCSO, ang ikaapat namang naging instant multi-milyonaryo sa lotto ay isang taga- Mandaue City, Cebu na tumama sa Lotto 6/42 draw noong Marso 9, at nakapag-uwi ng jackpot prize na P16,319,245.20, para sa six-digit winning combination na 06-18-26-29-17-11.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Noong Marso 7 naman, nasolo ng isang mananaya mula sa Pulilan, Bulacan, ang premyong P109,630,146, matapos niyang mahulaan ang winning combination na 56-41-11-48-54-58.

Noong Marso 6 naman, napanalunan rin taga- Bayugan, Agusan del Sur, ang P12,171,239.80 jackpot sa Megalotto 6/45 draw na ang lumabas na mga numero ay 26-43-11-18-05-45.

Nabatid na natamaan rin ng isang taga-Ozamis City, Misamis Occidental, ang jackpot sa Superlotto 6/49 draw na mahigit P18.7 milyon para sa mga numerong 20-30-35-28-18-21 noong Marso 3.

Kaugnay nito, pinayuhan ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades Robles ang mga lucky lotto winners na upang makubra ang kanilang premyo ay magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanilang winning tickets at dalawang balidong IDs.

Nagpaalala rin si Robles na sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, ang lahat ng lotto winnings na lampas sa P10,000 ay papatawan ng 20% tax.

Ang mga hindi naman makukubrang papremyo sa loob ng isang taon ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.

Muli rin namang hinikayat ni Robles ang publiko na tumaya na sa lotto upang sila naman ang magkaroon ng pagkakataong maging instant multi-milyonaryo.

Ang GrandLotto 6/55 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado habang ang UltraLotto 6/58 ay binobola tuwing Martes, Biyernes at Linggo.

Ang SuperLotto 6/49 naman ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Linggo, habang ang MegaLotto 6/45 ay may draw tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes at tuwing Martes, Huwebes at Linggo naman ang bola ng Lotto 6/42.