Binigyang-diin ni Senate President Juan Miguel ‘’Migz’’ Zubiri nitong Sabado, Marso 11, na maaaring mapa-deport sa United States si Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. kung magkaroon ng ebidensya ang mga alegasyong sangkot umano siya sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 4 at hindi pa siya bumalik dito sa Pilipinas.

Sa panayam ng DWIZ, ibinahagi ni Zubiri na kung si Teves nga ang itinurong mastermind sa pagpaslang kay Degamo at may matibay na ebidensya hanggang sa nagkaroon na ng warrant of arrest, may kapangyarihan ang pamahalaan na ikansela ang pasaporte niya na siyang magbibigay-daan sa pag-isyu ng request sa US para ipa-deport siya.

"Pwedeng kanselahin ang passport kung may warrant of arrest na, at makikipag-coordinate po sa FBI ng Estados Unidos para tahimik ang pagdala o ang pag-apprehend nila sa Pilipinas kay Congressman Teves,” ani Zubiri.

Nag-expire na rin umano ang travel authority na inisyu ng House of Representatives para kay Teves.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Samantala, sinabi ni Zubiri na talagang pinaghandaan ang nangyaring pag-ambush sa gobernador at naging asal terorista umano ang mga salarin dahil sa mga nakitang ginamit nila sa pagpatay kay Degamo at sa walo pang sibilyan na nadamay.

Dahil sa nangyaring ambush, apat na umano ang security men ni Zubiri – dalawa sa Senado at dalawa sa kanilang tirahan sa Bukidnon.

Binanggit din ni Zubiri na galit na galit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nangyaring pagpaslang kay Degamo.

Mayroon din umanong negatibong epekto ang insidente sa kahilingan ni Marcos sa foreign investors na bumisita sa Pilipinas.

Matatandaang binigyang-diin ni Marcos noong Marso 4 na gagawin ng pamahalaan ang lahat upang mahanap at mapagbayaran ng mga maysala ang pagpaslang nila kay Degamo.

BASAHIN: PBBM, binalaan mga nag-ambush kay Gov. Degamo: ‘You can run but you cannot hide’