Ipinagbabawal muna ng gobyerno ang pagpasok sa bansa ng mga produktong karneng baboy mula sa Singapore bunsod na rin ng paglaganap ng African swine fever.
Ito ang nakapaloob sa memorandum ni Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban at sinabing kabilang din sa bawal na ipasok sa bansa ang mga domestic at wild pig, kabilang na ang balat at karne nito.
Sa nasabing direktiba, binanggit ni Domingo na hindi accredited ang Singapore upang mag-export ng produktong karneng baboy kaya dinoble pa ng pamahalaan ang pag-iingat upang hindi makapasok sa bansa ang nasabing sakit.
Gayunman, hindi na binanggit ng DA kung hanggang kailan ang ipinaiiral na kautusan.
Matatandaang kinumpirma ng ahensya ang pagkalat ng sakit sa Carcar City sa Cebu matapos magpositibo sa pagsusuri ang 50 samples mula sa mga barangay sa nasabing lungsod.