Mariing tinutulan ng pinakamalaking shipping association sa bansa sa ilang patakaran na ipinaiiral ng Philippine Ports Authority (PPA),  kabilang na dito ang electronic o e-ticketing system at pagpapataw ng sobrang taas na port fees.

Ayon kay Philippine Coastwise Shipping Association (PCSA) administrator Edgardo Nicolas, naglabas na sila ng position paper kontra sa naturang e-ticketing system at port fees.

Nakasaad aniya sa naturang position paper na ang mga nabanggit ay “pahirap at pabigat” lamang at magdudulot lamang ng masamang epekto sa industriya.

Idinaing rin ng mga ito na wala ring naganap na konsultasyon sa iba’t ibang sektor na masasapol ng mga patakaran.

National

Shear line, easterlies patuloy na nakaaapekto sa malaking bahagi ng PH

Sila aniya sa PCSA ay naniniwalang pumalo pa lalo ang “port charges” sa bansa ng hanggang 2,000% na labis na makakaapekto sa kanilang sektor at sa publiko.

Sinabi rin ni Nicolas na maaari rin nilang idulog ang hinaing kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. kung kinakailangan.

Nabatid na ang e-ticketing system ay isa sa “full digitalization efforts” ng PPA maliban sa kontrobersyal na Trusted Operator Program – Container Registry and Monitoring System o TOP-CRMS.

Gayunman, umani ito ng batikos at pagkwestyon lalo’t posibleng makaapekto ang mga ito sa iba’t ibang negosyo, at maging sa publiko.

Nauna nang naghain ng resolusyon si Sen. Risa Hontiveros na nagpapaimbestiga sa mga kautusan o patakaran ng PPA.