Nilinaw ni King of Talk Boy Abunda sa kaniyang programang "Fast Talk with Boy Abunda" na hindi totoo ang mga kumakalat sa social media, tungkol sa bagong noontime show na "Wow Bulaga" kahapon ng Lunes, Marso 6.

Makikita sa kumakalat na fan-made poster na ang mga bagong host sa "rebranded" Eat Bulaga ay sina Wowowin host Willie Revillame, Allan K, Bretman Rock, Jose Manalo, Wally Bayola, Miguel Tanfelix, Tyronia Fowler at Rosmar Tan.

"Ang Bagong Barkada sa Tanghali!" saad pa sa teaser ng poster, na may logo pa ng GMA Network at Television and Production Exponents (TAPE).

May matinding gulo? TVJ, puwedeng mawala sa 'Eat Bulaga', sey ni Cristy

Larawan mula sa FB

Lumutang ang poster na ito matapos pag-usapan ang isyung kapag natuloy daw sa pag-alis sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey De Leon, Maine Mendoza, at iba pang hosts na sasama sa kanila, ang mga naunang nabanggit na personalidad ang panibagong bubuo sa longest-running noontime show.

“Nais lamang sabihin ng aming source, isang mapagkakatiwalaang source po dito sa GMA 7, that this poster is not true. This is a fake poster. Hindi po ito totoo,” ani Boy.

Nakiusap din si Boy na hintayin ng publiko ang opisyal na pahayag ng Eat Bulaga o GMA Network tungkol dito.

Bukod sa magiging bagong titulo at hosts ng EB, kumakalat din ang tsikang kapag natuloy ang exodus ng TVJ at iba pang host, sila ay bubuo ng noontime show na tatawagin daw na "Dabarkads."

Kumalat din ang tsikang hinihilot na raw si Willie ni Romy Jalosjos, ang chairman ngayon ng TAPE at nagnanais na patalsikin ang TVJ at magkaroon ng rebranding sa EB, bagay na hindi pa nililinaw ng Wowowin host na nakapirma ng kontrata sa ALLTV na pagmamay-ari ng kaibigang si dating senador Manny Villar.