Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bukas ito sa panukala umano ng ilang transport groups na panatilihin ang "iconic look" ng mga tradisyunal na jeep sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa bansa.

Sinabi ito ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III matapos magbigay ng suhestiyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na tingnan kung maaaring payagan na lamang bumiyahe ang mga tradisyunal na jeep na maayos at kaya pa namang mamasada.

Kasabay ng pagbanggit ni Guadiz hinggil sa nasabing pagpapanatili ng tradisyunal na itsura ng mga jeep sa bansa, ipinakita rin niya nitong Lunes, Marso 6, ang isang modernized jeep na kapareho ang itsura sa tradisyunal na jeep.

“The modernized jeep that you saw is clear proof that the traditional look can be maintained so the possibility of a phase out is very, very remote. What we only wanted was to improve the roadworthiness of the vehicle,” ani Guadiz.

National

Sen. Imee sa mga 'gigil' i-impeach si VP Sara: 'Demokrasya ang gusto n'yong paglaruan!'

Gayunpaman, anuman umano ang itsura ng jeep, kinakailangang pasado pa rin daw ito sa Philippine National Standards sa ilalim ng Bureau of Product Standards ng Department of Trade and Industry.

Ayon sa LTFRB, sa ilalim ng Philippine National Standards ay kabilang sa mga kailangan ang mataas na ceiling ng mga modernong jeep upang makatayo umano ang mga pasahero sa loob.

Kinakailangan din umano na nakalagay ang pinto sa kanang bahagi malapit sa drayber, at dapat mayroon itong exit point.

Maaari rin daw ilagay sa loob ng isang modern jeep ang “aircondition, maliliit na electric fan, at iba pang equipment tulad ng CCTV cameras para sa seguridad”.

Sinimulan ng ilang grupo ng mga tsuper at taga-suporta nilaang transport strike nitong Lunes upang ipanawagang huwag ibasura ang mga tradisyunal na jeep sa bansa na siyang bumubuhay umano sa mga jeepney driver at kanilang pamilya.

Marami umano sa mga tsuper ang hindi kayang makabili ng nasabing modernong sasakyan dahil sa nagkakahalaga ito ng ₱2.4-milyon hanggang ₱2.8-milyon.

BASAHIN: PISTON, sinagot ang pahayag ng DOTr hinggil sa transport strike vs jeepney phaseout

Nakatakdang ipatupad ang jeepney phaseout sa darating na Disyembre 31 upang bigyang-daan ang PUVMP.