Nais ng Department of Health (DOH) na mai-relocate na ang mga residenteng kabilang sa vulnerable group na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.

Kasunod na rin ito ng ulat na may mga residente na ang nagkakasakit dahil sa naturang oil spill.

Sa isang media forum nitong Martes,  sinabi ni DOH officer-in-charge (OIC) Maria Rosario Vergeire na ang mga taong kabilang sa vulnerable groups ay dapat nang mailipat sa mas ligtas na lugar.

"Doon sa mga nakatira within 100 meters, kailangan ire-relocate ang mga matatanda at may mga sakit sa baga. Ilalabas sila at dadalhin sa mga kaanak na medyo malayo-layo doon sa lugar na 'yun," ayon kay Vergeire.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Hindi rin aniya maaaring inumin ng mga ito ang tubig sa kanilang lugar kaya't dapat silang suplayan ng ligtas na tubig ng lokal na pamahalaan.

Hindi rin aniya maaaring surgical masks lamang ang suot ng mga ito kung sila ay naninirahan sa loob ng 100 metro malapit sa oil spill.

"Those within 100 meters from the affected area cannot drink their water. They have to be supplied with safe water by the local government. 'Yung mga nakatira within 100 meters hindi puwedeng surgical masks lang ang gamit nila. Kailangan 'yung industrial mask na binigay natin sa kanila ang gagamitin nila," ani Vergeire.

Una nang napaulat na ang tubig-dagat sa Oriental Mindoro na apektado ng oil spill, ay bumagsak sa water standard quality.

Nakatanggap naman ng ulat ang DOH na ilang residente na ang nagkakasakit dahil sa oil spill at may isa pang pasyente ang na-admit sa pagamutan dahil sa paglala ng asthma nito.

Ilan pa sa mga sintomas ng sakit na naranasan ng mga residente ay pagkahilo, pananakit ng ulo at tiyan, hirap sa paghinga, pagduduwal, pag-uubo at iba pa.

Kaagad rin naman umanong naagapan ang karamdaman ng mga residente.