Ikinagalit ng motivational speaker at socmed personality na si Rendon Labador ang pahayag ng video creator na si Jack Logan, matapos tawagin siyang "bulateng muscle man." Sigaw ng netizens, isabak na sa FPJ's Batang Quiapo ang dalawa para magkaalaman na kung sino umano ang tunay na matapang.

"Hindi ko maintindihan ang lahat ng pagbubunganga nitong si Rendon. Halos lahat na yata ng makita sa social media, gusto niya, siya pa rin ‘yung sentro ng atensyon. Wala namang masama sa kritisismo, okay ‘yan naintindihan ko ‘yan. Karapatan ng isang tao, kahit na "bulateng muscle man" ang nagrereklamo sa mga hindi niya nagugustuhan," banat ni Logan na ikinagalit ni Rendon.

Jack Logan tinawag na 'bulateng muscle man' si Rendon Labador

Hindi naman natiis ni Rendon ang mga salitang binitawan ng video creator, kaya rumesbak ulit ito at tinawag niyang "malnourished" si Logan.

"Pasalamat ka Jack Logan hindi ako pumapatol sa malnourished. Dapat nga matuwa ka dahil pinagtatanggol ko ang mga kapwa mo vendors," komento ni Rendon sa comment section ng Balita.

Agad namang nabasa ni Logan ang reaksiyon ni Rendon at muli itong nanggigil sa "bulateng muscle man."

Aniya, "HOY RENDON! PARA SABIHIN KO SAYO, LAHAT NG MUSCLE KO NASA UTAK! WAG MO KO GIGIL! POTARAGES!"

Dahil sa mainit na bangayan ng dalawa, naka-isip naman ng solusyon ang netizens para matapos na ang gulo at kakakuda ni Rendon.

Ayon sa netizens, bigyan na umano ang dalawa ng role sa FPJ's Batang Quiapo para masubukan ang kanilang tapang. Dagdag pa nila, mas mabuti ring magcollab na lang ang dalawa sa pagtulong sa mga vendors na apektado umano sa taping ng FPJ's Batang Quiapo.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Coco Martin tungkol dito.