Usap-usapan ngayon ang mga pasabog ni Liza Soberano sa panayam ni Kapuso star Bea Alonzo, sa pamamagitan ng kaniyang "lie detector test."

"Straightforward" at sobrang honest na sinagot ni Liza ang maiinit na tanong sa kaniya ni Bea magmula sa mga personal na bagay, lalo na ang pinag-usapang pagtahak niya sa panibagong yugto ng kaniyang karera.

Tahasang inamin ni Liza na pakiramdam niya ay nakahon siya sa loveteam at marami siyang hindi nagawa sa kaniyang career. Sa Pilipinas lamang daw kasi grabe ang hype ng mga tao sa mga tambalan.

Inamin din ni Liza na na-pressure siya sa salpukan noon ng tatlong tambalang hinulma ng ABS-CBN, ang JaDine at KathNiel, hindi dahil sa fans, kundi dahil sa kung sino-sino sa kanila ang "profitable" o mas makakahatak ng kita sa takilya.

Mga rebelasyon ni Liza Soberano kay Bea Alonzo, usap-usapan

Isa pa sa rebelasyon ni Liza, inamin niyang sa kanila unang inoffer ang pelikulang "Hello, Love, Goodbye" na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards.

Nang mga sandaling iyon ay hindi pa raw sila handa ni Enrique Gil kaya nakiusap silang itabi muna ito at ireserba para sa kanila. Abala sila sa paggawa ng seryeng "Bagani" at si Liza naman, sa preparasyon para sa "Darna" na kalaunan nga ay napunta kay Jane De Leon, matapos niyang magkaroon ng injury sa daliri.

Pagkatapos daw ay nabalitaan niyang inoffer ito kina Kathryn at Enrique. Dito ay inamin ni Liza na nawindang siya sa ideyang mapupunta sa ibang kapareha si Enrique na tinawag niyang "comfort zone" at baka makaapekto ito sa kanilang tambalan.

Ang final na nga, si Alden ang nakatambal ni Kathryn, at hindi naman dapat magsisi ang Star Cinema dahil ito ang itinuturing na "highest-grossing film of all time."

Samantala, binalikan naman ng mga netizen ang naging panayam noon ni Toni Gonzaga kay Direk Olivia Lamasan sa "Toni Talks," na nagtutugma naman sa mga rebelasyon ni Liza.

"Iyang Hello, Love, Goodbye, originally for LizQuen 'yan eh…" ani Inang.

"Oo, and then it became Kathryn and DJ (Daniel Padilla), and then, hayun, Kathryn at Alden. Kasi at that time, Liza is doing Darna," paliwanag pa ng direktor.

Habang isinusulat ang balitang ito, trending na sa Twitter ang pelikula at ang karakter ni Kathryn na "Joy Marie Fabregas."

Screengrab mula sa Twitter