Nagpahayag ng suporta ang mga anak ni dating Vice President Leni Robredo na sina Aika at Tricia sa weeklong transport strike na nagsimula na nitong Lunes, Marso 6, bilang pagprotesta sa nakaambang jeepney phaseout sa bansa.

Sa kaniyang Twitter, nag-share si Aika ng post ni Reycel Bendaña, isang anak ng jeepney driver at organizer ng isang transport coalition, tungkol sa pagpapaliwanag nito kung bakit nagsasagawa ng transport strike ang mga tsuper sa bansa.

“I thought this was a very important point to highlight: Hindi sila tutol o ayaw; plano at suporta ang kailangan,” caption ni Aika sa nasabing shared post.

Ayon sa shinare ni Aika, bukod sa napakamahal umanong modernong jeep, kinakailangang magkaroon ang mga transport worker ng ₱300,000 para sa cooperative fee at ₱20,000 sa bawat jeepney unit upang maging “consolidated” umano sila bilang kooperatiba.

National

Ex-pres. Duterte, hindi kilala si Atty. De Lima?

Upang makapag-loan naman at makapag-apply ng subsidiya ang mga kooperatiba sa bangko, kinakailangan umano ng Local Public Transport Route Plan kung saan maraming local government units (LGU) daw ang hindi pa rin tapos dito mula 2017.

“At huli, just transition also means having a plan for workers who will be displaced, lalo na ung mga matatanda. What they want is social security. Madami sa kanila, nakaasa sa boundary. pampagamot araw-araw once hindi na nila kayang magmaneho,” saad pa ng nasabing post. “Tandaan po natin: ideya to ng gobyerno. Kailangan rin nila magtaya.”

Samantala, nag-post din si Tricia sa Twitter na nagpapahayag ng kaniyang pagsuporta sa transport strike.

“I support the transport strike. Yes to pro-people modernization. No to jeepney phaseout,” anang post ni Tricia.

Ayon sa transport groups, isasagawa ang weeklong transport strike mula nitong Lunes, Marso 6, hanggang sa Linggo, Marso 12. bilang panawagan ng mga tsuper at operator na ibasura ang nakaambang jeepney phaseout na mag-aalis sa kanilang ikinabubuhay.

Nakatakdang ipatupad ang nasabing jeepney phaseout sa darating na Disyembre 31 upang bigyang-daan ang PUV Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno. Sa ilalim ng programa, kinakailangang bumili ang mga operator ng consolidated entities ng modernong sasakyan na nagkakahalaga ng ₱2.4-milyon hanggang ₱2.8-milyon kada unit.