Nag-anunsyo na ang ilang unibersidad sa bansa na pansamantalang ililipat sa online mode ang kanilang onsite classes mula Marso 6 hanggang 12 dahil sa isasagawang transport strike ng mga tsuper bilang pagprotesta sa jeepney phaseout.
Una nang nag-anunsyo ng paglipat ng lahat ng in-person classes sa online ang De La Salle University noong Pebrero 28 para bigyang-daan ang transport strike sa susunod na linggo. Bukod sa Manila Campus nito, nag-anunsyo rin ng pag-shift sa online ang Laguna campus ng De La Salle.
Nito namang Huwebes, Marso 2, naglabas na rin ng nasabing anunsyo ang iba pang mga unibersidad tulad ng Ateneo de Manila University, University of Sto. Tomas, Polytechnic University of the Philippines, Adamson University, Trinity University of Asia, Cavite State University, Holy Angel University, De La Salle College of Saint Benilde at La Salle Green Hills.
Ayon sa opisyal na pahayag ng Ateneo de Manila, nirerekomenda umano ng kanilang unibersidad na lahat ng antas sa lahat ng kanilang campus ay magsasagawa muna ng online classes sa halip na onsite classes sa mga petsa kung kailan gaganapin ang strike.
“It is likewise recommended that all university offices transition to online mode and that all employees be allowed to work from home, with the exception of employees whose work can only be performed onsite,” pahayag pa ng Ateneo.
Kasabay naman ng pag-anunsyo ng University of Santo Tomas ng paglipat sa online classes, inabisuhan din nila ang publiko na pansamantala ring isasara ang mga opisina para sa onsite clients nila.
“They may reach the offices through their online channels. Work arrangements for offices will be announced by the appropriate authorities,” anang UST.
Samantala, inanunsyo rin ng Adamson University na kung matutuloy ang transport strike mula Marso 6 hanggang 11, isasagawa muna online ang mga klase sa lahat ng antas ng kanilang unibersidad.
“Work in offices will, likewise, be held remotely, except in the following offices where skeletal personnel will be required to report onsite namely Registrar’s Office, Finance’ Office, Admission and Student Recruitment Office, ITC, HRMDO, PFGSO, [and] OAD,” dagdag ng Adamson.
Suspendido din ang face-to-face classes sa Polytechnic University of the Philippines mula Marso 6 hanggang 10 dahil sa transport strike. Pansamantalang magiging online din ang moda ng klase rito.
Naglabas naman ng Memorandum Circular ang Office of the President ng Trinity University of Asia sa Quezon City para ianunsyong ililipat sa online ang lahat ng klase sa kanilang unibersidad sa mga araw na gaganapin ang transport strike.
Ipatutupad din umano ang asynchronous/synchronous online mode sa Cavite State University at pinapayagan din ang faculty members nito na mag-work-from-home.
Samantala, ayon naman sa Holy Angel University, ipatutupad nila ang nasabing paglipat sa online class sa susunod na linggo upang hindi mahirapan ang mga estudyante sa pagbiyahe sa kalagitnaan ng transport strike.
“While University Days is a celebration, we are one with the call of our jeepney drivers to understand their situation amid the implementation of the Jeepney Phaseout,” pahayag pa nito.
Nag-anunsyo na rin ang De La Salle College of Saint Benilde ng pagsasagawa ng online classes at work-from-home arrangements mula Marso 6 hanggang 11.
Inanunsyo rin ng La Salle Green Hills nitong Huwebes ang paglipat sa online classes mula Marso 6 hanggang 10 dahil sa transport strike.
Naglabas na rin ang University of the Philippines nitong Biyernes, Marso 3, ng memorandum na nagsasabing ililipat muna rin sa online ang mga klase mula sa Marso 6 hanggang sa mga araw ng gaganapin ang transport strike.
Inanunsyo rin nitong Biyernes ng Mapúa University ang paglipat sa online ng face-to-face classes sa Intramuros at Makati campuses nito sa susunod na linggo, mula Marso 6 hanggang 11, at hanggang sa itatakda ng unibersidad.
Nag-anunsyo na rin ang Far Eastern University nitong Biyernes na ililipat ang lahat ng undergraduate at graduate classes sa kanilang unibersidad sa Manila at Makati sa synchronous online classes.
Nagdeklara na rin ang World Citi Colleges Antipolo City ng paglipat ng klase sa online na moda mula Marso 6 hanggang 12 para bigyang-daan ang transport strike.
Inunsyo na rin ng Bulacan State University nitong Biyernes ng hapon ang paglipat ng klase sa lahat ng campus nito sa synchronous online classes mula Marso 6 hanggang 11.
Nag-anunsyo rin ang San Sebastian College - Recoletos Manila ng paglipat ng face-to-face classes sa synchronous online classes sa susunod na linggo dahil sa transport strike.
Inanunsyo na rin ng University of the East na ililipat sa online na moda ang klase sa UE Manila at UE Caloocan, kasama na ang kanilang Graduate School at College of Law, kung sakali umanong matuloy ang transport strike mula Marso 6 hanggang 11.
Idineklara rin ng Arellano University nitong Biyernes ng hapon na gawing online ang moda ng klase sa lahat ng antas ng kanilang mga campus upang bigyang-daan ang isasagawang transport strike mula Marso 6 hanggang 12.
Nag-anunsyo na rin ang National University nitong hapon na isasagawa ang kase sa lahat ng antas sa kanilang mga campus sa pamamagitan ng online na mosa mula Marso 6 hanggang Marso 11.
Maging ang La Consolacion University Philippines ay nagdeklara na rin ng paglipat ng klase sa online sa Lunes, Marso 6. Maglalabas naman umano ang unibersidad ng daily advisories upang ianunsyo kung magtutuloy sa susunod na mga araw ang pagsuspende nila sa face-to-face classes. Nakadepende umano ang desisyon sa magiging sitwasyon sa gitna ng pagsasagawa ng transport strike.
Nagdeklara rin ng suspension ng face-to-face classes sa Assumption College San Lorenzo mula Marso 6 hanggang 7 dahil sa transport strike. Magsasagawa umano ng online classes at work-from-home sa unibersidad sa mga nasabing petsa.
Nag-anunsyo na rin ang Lyceum of the Philippines University Manila na lahat ng klase sa kanilang kolehiyo at Senior High School ay ililipat sa online na moda mula Marso 6 hanggang 11.
Naglabas na rin ng Memorandum ang University of Caloocan City para ianunsyong lahat ng klase sa kanilang unibersidad ay ililipat sa online mula Marso 6 hanggang 12.
Inanunsyo rin ng University of Perpetual Help - GMA na lahat ng klase sa bawat antas sa kanilang unibersidad ay ililipat sa online na moda mula Marso 6 hanggang 8 dahil sa transport strike.
Nag-anunsyo na rin ang St. Scholastica's College Manila isasagawa ang kanilang mga klase sa pamamagitan ng online na moda mula Marso 6 hanggang 11.
Naglabas din ang City of Malabon University ng Memorandum na nagsasabing ililipat ang lahat ng klase sa undergraduate levels ng kanilang unibersidad sa online mula Marso 6 hanggang 10.
Inanunsyo rin ng San Sebastian College - Recoletos Manila ang paglipat sa synchronous online classes mula Marso 6 hanggang 12 dahil sa transport strike.
Naglabas na rin ang University of Rizal System ng Memorandum na nag-aanunsyo ng paglipat ng mga klase sa online na moda mula Marso 6 hanggang 11 dahil sa transport strike.
Samantala, nag-anunsyo na rin nitong Sabado, Marso 4,ang University of Makati na isasagawa rin nila ang klase sa pamamagital ng online classes mula Marso 6 hanggang 7 dahil sa transport strike.
Inanunsyo na rin ng University of Batangas nitong Sabado ang paglipat sa online synchronous modality ng kanilang mga klase ng kanilang mga campus sa Batangas City at Lipa City mula Marso 6 hanggang 7 dahil sa transport strike.
Habang isinusulat ito, hindi pa nagbibigay ng anunsyo ang ibang unibersidad hinggil sa kanilang magiging moda ng klase sa susunod na linggo kung kailan balak isagawa ang transport strike.
Manatiling nakaantabay para sa iba pang updates.