Buhay na buhay na naman ang hasang ng mga marites sa unang araw ng Marso matapos mag-post ang beauty product CEO at social media personality na si "Rosemarie 'Rosmar' Tan Pamulaklakin," ng screenshots na tila pinagtatawanan daw siya ng kapwa content creator na si Zeinab Harake at Miss Universe Philippines 2020 at Kapuso actress Rabiya Mateo.

"Nakakalungkot naman," caption ni Rosmar sa kaniyang latest Facebook post kung saan kalakip ang "hahaha" nina Zeinab at Rabiya patungkol daw sa kaniya, na ibinahagi naman ng isang Kim Angelo Alfonso. Mukhang isang litratong pinagkumpara ang pinagtatawanan nila. Ito raw ay pagkukumpara sa litrato nina Rosmar at mahigpit nitong karibal sa negosyo na si Glenda Victorio.

"Bigla akong napagod," giit pa ni Rosmar.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa comment section ay makikitang nagkomento rito si Zeinab.

"Ang lilinis n'yo, pag kayo natawa pwede pag kami hindi? Nung kami yung tumawa masama agad pero sa dami ng basher at nag hahaha react palagi sayo unbothered ka? Awit whahahaha tinatanggalan n'yo na ba talaga kami ng karapatan matawa? Di naman tayo friends or magkakilala personal te at isa pa sinong di matatawa eh obvious naman talagang ginaya 😂 May masama bang nasabe jan para masabe n'yong masama kami agad? Sa totoo lang tayo mga be wag kayo nagagalit di ako nagagalit pag ako yung pinag tatawanan nyo ha kaya kalma mwa," ani Zeinab.

Bagay na sinagot naman ni Rosmar, "Idol pa naman kita. Naaalala ko pa nung kailangan mo ng props sa vlog mo, nag-tricycle pa ako sa Recto para maghanap ng mga kuneho. Dahil gusto ko dalhin sa'yo para makapagpa-picture man lang ako sa'yo, ending nagbago isip mo kaya di mo na kailangan ang kuneho, kaya di kita nakita. Pero inintindi ko na lang yun at inalagaan ko na lang yung mga kuneho."

Sa isa pang hiwalay na Facebook post ay may pasabog pa si Rosmar laban naman kay Rabiya.

"naaalala ko 1 year ago, humingi ng tulong sakin ang tita mo para pasikatin ka kasi sasalang ka sa BEAUTY CONTEST at kailangan daw ng support kaya di ako nagdalawang isip na tumulong ng walang kapalit. 🥹💔," aniya.

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Rabiya tungkol dito.