Binakbakan ng showbiz columnist na si Cristy Fermin ang aktres na si Hope "Liza" Soberano matapos ang paglabas ng kaniyang "This is Me" vlog noong Linggo, Pebrero 26.

Nagpaliwang sa kaniyang desisyon ang aktres sa tinatahak na direksyon ng kaniyang career na malayo sa mga nakasanayan niya, pagtalikod sa dating manager, talent agency, at home network na naglaan ng oras at effort upang sumikat siya.

Ayon sa mga netizen, tila "ungrateful" kasi ang tono ni Liza matapos niyang amining tila "nakahon" siya sa kaniyang 13 taon sa showbiz; tatlong direktor, isang main co-star, at pare-parehong genres umano ang ginawa niya sa pelikula at teleserye.

Ni ang screen name na "Liza" raw ay hindi naman siya ang pumili. Sa rebelasyon ni Ogie, ang nagbigay sa kaniya ng screen name ay si Malou Santos ng Star Cinema, ang movie outfit na sister company ng ABS-CBN.

Boy Abunda, sobrang dismayado kay Liza Soberano: 'Do not disregard your past!'

Pakiramdam daw niya ay isa siyang "bulaklak" lamang na ipinakikita lamang ang kaniyang ganda subalit naka-stock lamang sa isang lugar.

Ngunit sa bandang dulo ng vlog, sinabi naman ni Liza na grateful siya sa mga tao at brands na nakatulong sa kaniyang karera.

Ngunit ayon kay Cristy, ngayon lamang daw siya nakarinig ng isang pinasikat na aktres na bukod-tanging panay reklamo sa mga ginawa sa kaniyang career. Nalulungkot daw siya sa ginawa ni Liza.

"Alam mo Romel ako'y nalulungkot, hindi ako nagagalit para kay Liza… sa kasaysayan po ng pelikula, nagkaroon po tayo ng Superstar Nora Aunor, nagkaroon po tayo ng Star For All Seasons Vilma Santos, meron po tayong Megastar Sharon Cuneta, meron po tayong Diamond Star Maricel Soriano, at iba pang mga personalidad na naabot ang kanilang pangarap… never po tayong nakarinig ng anumang salita mula sa mga nabanggit naming artista, na noong sila po ay nagsimula sa pagharap sa camera, sila ay ninakawan ng sariling personalidad, ng sariling kaligayahan, ng kanilang pagkatao, ng kanilang kalayaan, wala po…" sey ni Cristy.

Puro pagpapahalaga raw sa kanilang karera ang nalaman ng lahat mula sa kanila.

"Bukod-tanging itong Liza Soberano na ito ang nagsabi ng puro reklamo!" giit ni Cristy.

Samantalang namuhunan raw sina Ogie Diaz, Star Magic, at ABS-CBN para suportahan si Liza sa pamamagitan ng pagbibigay ng magagandang proyekto, na naging hit din naman.

Samantala, bukod kay Cristy ay nagbigay rin ng kaniyang saloobin ng pagkadismaya si King of Talk Boy Abunda sa ginawa ni Liza.