Pinangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi titigil ang pamahalaan sa pagtulong sa mga Pilipino matapos itong manguna sa pamimigay ng cash at food assistance sa 3,000 mga benepisyaryo sa Mandaue City, Cebu nitong Lunes, Pebrero 27.

Sa pahayag ni Marcos, sinabi niya na tuloy-tuloy pa rin ang pamimigay ng gobyerno sa mga Pilipino hanggang sa dumating ang araw na hindi na nila kailanganin ng tulong.

“We wanted to make sure na itong ating pinamimigay ay tuloy-tuloy pa rin hanggang dumating na yung araw—sana malapit na— na hindi na kailangan ang tulong ng pamahalaan dahil kayo na ay may trabaho, kayo na ay may maganda na kayong tinitirhan,” anang pangulo.

Apat na ahensya rin ang nagpaabot ng tulong sa pamamagitan ng kanilang mga sariling programa.

National

Bagyong Julian, ganap nang super typhoon

Namigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program nito, ng cash assistance na nagkakahalaga ng ₱5,000 at ng family food packs sa 600 benepisyaryo.

Nagkaloob naman ang Department of Labor and Employment (DOLE), sa ilalim ng Integrated Livelihood Program nito, ng livelihood grants na nagkakahalaga ng ₱3.65- milyon sa tatlong kooperatiba.

Dagdag pa rito, namigay rin ang DOLE ng livelihood assistance na nagkakahalaga ng ₱4,350 sa 2,257 benepisyaryo. Ito ay sa ilalim naman ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) nito.

Namigay naman ang Department of Trade and Industry (DTI) ng Livelihood and Financial Assistance na nagkakahalaga ng ₱8,000 sa 20 indibidwal.

Samantala, nagkaloob ang Department of Agriculture (DA), kung saan kalihim si Marcos, ng mga pananim at makinarya ng mga magsasaka sa Cebu na nagkakahalaga ng  ₱109-milyon.

Dagdag pa rito, namigay rin ang DA ng ₱1.08-milyon sa farmer’s associations ng Cebu. Ito ay sa ilalim ng Corn Banner Program nito.

Pinangako ni Marcos na hindi titigil ang gobyerno na pataasin ang kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino, lalo na ng mahihirap.

Pinasalamatan din ni Marcos ang lungsod sa suporta at boto umano na natanggap niya noong nakaraang eleksyon, kung saan nanalo siya rito ng malaking lamang.

“Hindi po kami titigil. Hindi ko po makakalimutan ang init ng inyong pagsuporta," ani Marcos.

"Lagi kong iniisip the support and the affection that I receive from you, I have to pay back and if it takes the rest of my life, I will happily spend the rest of my life paying it back to you," dagdag nito.