Natagpuang patay ang mahigit isang linggo nang nawawalang college student mula sa Adamson University nitong Martes, Pebrero 28, sa Barangay Malagasang, Imus, Cavite, na hinihinalang biktima ng hazing.

Nakita umano ng mga pulis ang bangkay ng 24-anyos third year Chemical Engineering student na si John Matthew Salilig sa bakanteng lote sa likod ng isang subdibisyon sa nabanggit na lugar.

Naiulat na nawawala si Salilig noong Pebrero 20 matapos dumulog sa Manila Police District ang nakatatandang kapatid nitong si John Michael para sabihing dalawang araw na simula nang hindi nila ito makontak.

Nagpaalam daw ang nawawalang kapatid niya noong Pebrero 17 na dadalo sa welcoming rites ng Tau Gamma Phi fraternity group sa Laguna.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Pumayag umano ito dahil sa miyembro rin siya ng nasabing grupo at tiwalang walang masamang mangyayari sa kapatid.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, bumaba sa Biñan, Laguna si Salilig kasama ang ibang miyembro ng fraternity bago sila tumuloy sa welcoming rites.

Pag-amin ng isang miyembro ng fraternity na nakasama ni Salilig, mahigit 70 na palo raw ang tinamo ng biktima sa nangyaring initiation rites.

Dahil dito, agad daw siyang binawian ng buhay matapos ang initiation habang nakasakay sa SUV.

Tinatayang 18 umano ang mga suspek na natukoy ng mga awtoridad. Haharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Law.

Nagbigay na rin ng pahayag nitong Martes ang Adamson University hinggil sa nangyari sa kanilang estudyante.

Ayon sa opisyal na pahayag ng Adamson, nagsasagawa na umano sila ng sariling imbestigasyon at nakikipagtulungan sa mga awtoridad para sa insidente.

“We strongly urge the community to refrain from sharing unverified information and help us pray for the student’s bereft family during this difficult time,” anito.

Bagama’t hindi pinangalanan ng nasabing unibersidad ang biktima, kinumpirma ng kanilang pahayagan na The Adamson Chronicle na ang tinutukoy nila ay si John Matthew Salilig na naiulat na huling nakita sa Jac Liner Bus Terminal sa Manila.

Humihingi ngayon ng hustisya ang pamilya ng biktima.