Wala na umanong masasabi ang batikang aktres na si Cherry Pie Picache sa mga patutsada sa kaniya ni Direk Darryl Yap, matapos uriratin ng press sa ginanap na premiere screening ng pelikulang "Oras De Peligro noong Huwebes, Pebrero 23, sa cinema house ng SM Megamall.

Ayaw nang patulan ni Cherry Pie ang mga pinakawalang pasaring ng direktor ng "Martyr or Murderer" laban sa kaniya. Nag-ugat ito sa sagot ng batikang aktres noong Pebrero 12, na kung sakaling makakasama niya sa pelikula si Yap, papayag ba silang makatrabaho at maidirek nito?

Depende raw sa konteksto ng pelikula ang sagot ni Cherry Pie, at handa naman siyang magpadirek kay Direk Darryl kung panig umano ito sa katotohanan.

"May konsensya pa ba siya?" tanong pa ng beteranang aktres.

Darryl Yap, may buwelta sa naging pahayag ni Cherry Pie laban sa kaniya

Bagay na pinalagan naman ng direktor at naungkat pa ang ginawa nitong pagpapatawad sa pumaslang sa kaniyang ina noon, sa mismong bahay nila.

Kaya nang matanong ulit siya kung feeling niya ay humiliated siya sa mga patutsada sa kaniya ng direktor, "no" ang sagot ng aktres.

“Ahhmm, no, I don't feel humiliated. I think I’m not the one who should feel humiliated… that’s it. Thank you," sey umano ni Cherry Pie.

“Ayoko nang magsalita… bakit, worth it bang pansinin?” aniya pa.

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang direktor tungkol dito.