Patay ang isang 68-anyos na lalaki nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang lalaki sa Barangay Baritan, Malabon City nitong Linggo ng umaga, Pebrero 26.

Kinilala ang biktima na si Reynold Israel Zuniega, residente ng Aljiezera, Sampaloc, Maynila.

Sa inisyal na ulat ng North Police District (NPD), naglalakad ang biktima patungo sa C. Arellano Street, Barangay Baritan, Malabon City dakong alas-5:58 ng umaga nang biglang nagpaputok ng baril ang suspek patungo sa biktima ngunit na-miss ito.

Tumakbo ang biktima sa Borja Street, ngunit nagawa pa rin siyang mabaril ng suspek ng apat na beses mula sa likuran.

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

Sinabi ng pulisya na dead on the spot ang biktima habang tumakas ang suspek bitbit ang baril.

Batay sa salaysay ng mga saksi, nakasuot ang suspek ng itim na jacket na may hood, pulang t-shirt, at itim na jogging pants.

Narekober ng pulisya sa crime scene ang apat na fired cartridge case ng caliber .45, na isasailalim sa ballistic examination, at dalawang piraso ng baton na ginamit ng suspek bilang walking sticks, na sasailalim sa fingerprint analysis.

Samantala, sinabi ni NPD Director Brig. Gen. Ponce Peñones Jr. na naaresto na ang nasa likod ng pamamaril. Tumanggi siyang pangalanan ang suspek.

Aniya, inaalam pa nila ang motibo ng suspek.

Dinala ang bangkay ng biktima sa NPD Forensic Unit para sa autopsy examination.

Diann Ivy C. Calucin