Natanong ang TikTok star at kinuhang endorser ng "Jullien Skin" na si Queenay Mercado kung sino ba ang kaniyang celebrity crush sa showbiz, lalo na't ngayong paunti-unti ay pumapasok na rin siya sa mainstream at umaarte-arte na rin.
Si Queenay, na kinagigiliwan sa kaniyang Batangueña accent, at minsa’y kakulitan ng kaniyang “inay,” ay may higit 13M followers sa TikTok at unti-unti na ring pinapasok ang mundo ng showbiz. Matatandaang bumida siya sa handog na seryeng "52 Weeks" ng Puregold katambal si Jin Macapagal at kabilang din siya sa sitcom na "Oh, My Korona."
Ginanap ang launching ng produkto at media conference sa Scout 1880 Cafe and Private Events sa Mother Ignacia St., Diliman, Quezon City nitong Miyerkules, Pebrero 22, 2023. Pabiro pang nagtanong si Queenay kung babae ba o lalaki ang gusto naming marinig na celebrity crush na ikinatawa naman ng lahat.
"Malay natin 'di ba?" pabirong hirit ni Queenay.
Kidding aside, ang celebrity crush ni Queenay ay si Kapamilya actor Joshua Garcia. Kung papalaring magkasama sa isang proyekto, si Joshua raw ang inaasam niyang makapareha, na abala na ngayon sa taping ng "Unbreak My Heart," ang kauna-unahang kolaborasyon ng GMA, ABS-CBN, at Viu Philippines.
Natanong din ng Balita kay Queenay kung bilang content creator na hina-highlight ang accent ng mga taga-Batangas, nakaranas na ba siya ng bashing? Hindi naman itinanggi ng TikTok star na kahit marami ang natutuwa sa kaniya, marami rin ang bashers at detractors na hindi natutuwa sa kaniyang mga ginagawa.
Nilinaw ni Queenay na likas sa kaniya ang pagsasalita na may puntong Batangueña dahil doon nga siya isinilang. Hindi na lamang niya pinapansin ang bashers dahil sa palagay niya, wala namang masama sa kaniyang pagsasalita dahil naturalesa ito sa kaniya. Isa pa, hindi naman niya pinagtatawanan ang accent.
Nauntag din ng Balita ang tungkol sa mental health issues ng ilang content creators. Paano nga ba niya hina-handle na huwag masyadong ma-pressure?
Aniya, nag-eenjoy lamang siya sa kaniyang ginagawa. Hindi niya binibigyan ng pressure ang kaniyang sarili. Kung hind naman niya feel mag-upload, pinakikiusapan niya ang kaniyang inay na siyang mag-content muna.
Pagdating naman sa bashing, paminsan ay hindi siya nagbabasa o tumatambay sa social media. Binibigyan muna niya ng kalayaan ang kaniyang sarili upang makahinga-hinga sa mundong nagpasikat sa kaniya, dahil sa katunayan, milyon-milyon ang kanilang followers sa TikTok.
"Mahalaga ang mental health ngayon, lalo na sa ating mga social media personalities. Marami tayong nararanasang bashing at talagang toxic na rin kasi ang social media. Para sa akin ho, talagang importanteng magpahinga ka. Hayaan mo muna ang sarili mong… wala ka munang content… pero babalik ka rin naman eh, hayaan mo muna ang sarili mo for a while, pahinga rin," sagot ni Queenay.