Labis-labis ang pasasalamat ni Kapuso star Dennis Trillo sa mga manonood na tumangkilik sa kanilang hit teleseryeng "Maria Clara at Ibarra" na inilarawan niya bilang isa sa mga pinakamakabuluhan at pinakamahalagang proyektong nagawa niya sa tanang career niya sa showbiz.

Ibinahagi ni Dennis ang isang clip ng isang eksena mula sa finale ng kanilang serye. Si Dennis ang gumaganap bilang "Crisostomo Ibarra/Simoun" sa naturang serye.

"Nais kong ibahagi ang mga kaganapan sa pagtatapos ng aking huling eksena, sa maituturing kong isa sa pinakamakabuluhan at importanteng proyektong kinabilangan ko," ani Dennis sa kaniyang Instagram post, habang ka-eksena si "Klay" na ginagampanan ni Barbie Forteza.

"Nais kong magpasalamat ng buong puso sa bawat tao ng naghirap para pagandahin ang programang ito, at siyempre walang tagumpay kung wala ang mga tumatangkilik. Salamat sa iyo, na minahal at nag laan ng oras para panoorin ang palabas, tenkyu🙏🤍 mahal ko kayo, hanggang sa muli," aniya pa.

National

PBBM sa National Teacher's Day: 'I wish you a joyful and productive celebration'

Makikitang pati ang mga nasa likod ng produksiyon ay nadala at naiyak na rin sa nakadadalang eksena.

Lumapit naman sa kaniya si David Licauco, ang gumaganap na "Fidel" upang magpaabot ng pagbati sa kaniya.

Bumaha naman sa comment section ng magagandang feedback sa naging pagganap ni Dennis sa serye simula umpisa hanggang sa katapusan nito.