“Yung matres ko, ayun lang yata ang kilalang date eh... 😂

Kinamanghaan ng netizens ang post ng ginang na si Pamn Faye Hazel Cabañero, 32, mula sa Pakil, Laguna, tampok ang birth certificate ng kaniyang tatlong anak na parehong pinanganak sa petsang Enero 27.

“Hindi ko inasahan pero ipinagkaloob!” caption ni Cabañero.

“Every 3 years dumadating sila at saktong January 27 pa ipinapanganak! Yung matres ko ayun lang yata ang kilalang date eh. Saganang salamat po Mahal na Panginoon sa kakaibang pagkakataon na ito,” saad pa niya sa naturang post.

Ina, may open letter sa pastor dahil sa umano'y pambubully sa anak sa simbahan

Isinilang daw ang panganay ni Cabañero noong 2017, taong 2020 naman ang pangalawa habang isinilang lamang nitong taon ang kaniyang bunso. 

Larawan mula kay Pamn Faye Hazel Cabañero

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ikinuwento ni Cabañero ang hindi malilimutang Enero 27 ng taong ito ng buhay nilang pamilya.

Ayon sa kaniya, masayang ipinagdiwang pa raw ng mag-asawa ang kaarawan ng kanilang panganay at pangalawang anak sa umaga nang biglang sinakitan na siya ng tiyan.

“Almost 1 hour po siguro sa school noong umaga. After po noon nagdahilan na katawan ko mga 10:00 am nagsakitan na po ang dapat magsakitan,” kuwento ni Cabañero. “Mga 10:30 pag-uwi namin saka ko naisip na manganak na ako at may dugo nang lumabas sa akin.”

Doon ay tinakbo na raw siya sa ospital at tagumpay namang nakapanganak kinagabihan nito.

“Masaya na nakakatulala. Parang hindi po ako makapaniwala,” saad ni Cabañero.

Tuwang tuwa rin daw ang kaniyang asawa, maging ang kanilang mga anak sa pagsilang ng cute na cute nilang kapatid na kapareho pa nila ng birthday.

“Napaka-laking blessings po nito para sa amin. Hindi po namin inasahan pero binigay sa amin ni Lord,” saad ni Cabañero.

Pinag-iisipan na rin daw ng pamilya kung paano nilang ipagdiriwang ang Enero 27 sa susunod na taon, lalo na’t triple umano ang pagiging espesyal nito sa kanilang buhay.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!