Ipinag-utos ng Archdiocese of Manila ang pagpapanumbalik na sa mga nakagawiang gawain ng Ash Wednesday ngayong Pebrero 22, kabilang dito ang pagpapahid ng abo sa noo ng mga mananampalataya.

Sa inilabas na sirkular ng Archdiocesan Liturgical Commission nitong Pebrero 14, itinakda nito ang muling paglalagay ng abo sa noo ng mananampalataya habang nakapaloob sa pagdiriwang ng Banal na Misa.

Binalaan naman ng komisyon ang mga mananampalataya laban ang paglalagay ng abo sa sarili sapagkat hindi anila ito naaayon sa liturhikal na pamamaraan alinsunod sa turo ni Kristo na sa pamamagitan ng sakramento na ibinibigay ng simbahan ay matatanggap ng sangkatauhan ang kapatawaran sa kasalanan.

Hinimok rin ng komisyon ang Extraordinary Ministers of the Holy Communion na bisitahin ang mga may karamdaman at matatanda upang pahiran ng abo sa kanilang mga noo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Bukod dito, inaanyayahan din ng arkidiyosesis ang bawat isa na magtika, manalangin at magbahagi sa nangangailangan sa pamamagitan ng iba't ibang programa ng simbahan tulad ng Fast to Feed ng Hapag-Asa na nagpapakain sa malnourished na kabataan sa lipunan.

Matatandaang ipinasya ng Simbahang Katolika na itigil muna ang paglalagay ng abo sa noo simula noong taong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic at bilang pagsunod sa safety protocol na ipinatupad ng pamahalaan.

Sa halip, ang abo ay ibinubudbod lamang sa ulo ng mga mananampalataya upang maiwasan ang posibleng pagkalat pa ng virus.

Ang Miyerkules de Ceniza ang hudyat ng pagsisimula sa 40 araw na paghahanda sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus na tumubos sa sanlibutan.