Inanunsyo ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ang lotto ticket na nagwagi ng mahigit sa₱63 milyong jackpot prize sa SuperLotto 6/49 sa isinagawang bola nitong Linggo ng gabi ay nabili mula sa Northern Samar.
Sa abiso ng PCSO nitong Lunes, nabatid na isang lone bettor mula sa bayan ng Lavezares, sa Northern Samar, ang mapalad na naging panibagong instant millionaire ng lotto.
Ayon kay PCSO General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles, matagumpay na nahulaan ng lucky winner ang six-digit combination ng SuperLotto 6/49 na 47-46-35-25-15-04 kaya’t naiuwi nito ang katumbas na jackpot prize na₱63,152,025.
Pinayuhan pa ni Robles ang mapalad na mananaya na upang makubra ang kanyang premyo ay magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang winning ticket at dalawang identification cards.
Hinikayat rin niya ang publiko na patuloy na tangkilikin ang lotto games dahil sa halagang₱20 lamang ay magkakaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo at makatulong pa sa kawanggawa.
Alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion law, ang lotto winnings na mahigit sa₱10,000 ay papatawan ng 20% tax.
Ang mga premyo namang hindi makukubra sa loob ng isang taon ay mapo-forfeit.
Samantala, may 11 ring mananaya ang nakapag-uwi naman ng tig-₱50,000 na second prize para sa nahulaang tiglimang tamang numero.
Ang SuperLotto 6/49 ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Linggo.