Inaresto ng mga pulis ang 23-anyos na lalaki matapos nitong buhusan umano ng mainit na tubig ang aso ng kaniyang kapit-bahay sa Cebu City nitong Linggo, Pebrero 19.

Kinasuhan ang suspek na si Jason Fuentes sa paglabag ng Republic Act 8485 o ang ‘Animal Welfare Act of 1998’.

Sa ilalim ng nasabing batas, ipinagbabawal ang pagpatay o pagpapahirap sa mga hayop, tulad ng aso.

Ang sinumang lalabag dito ay maaaring makulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon at magmulta ng ₱1,000 hanggang ₱5,000.

National

PUP nagbukas na rin ng klase para sa female PDLs ng Manila City Jail

Samantala, humingi umano ng tawad si Fuentes sa complainant na si Gina Lucido sa Mambaling Police Station nitong Lunes, Pebrero 20.

Pinatawad naman daw ni Lucido si Fuentes at hindi na itutuloy ang kaso para bigyan ng isa pang pagkakataon, ngunit nagkaroon sila ng compromise agreement para siguradong hindi na maulit ang nasabing pang-aabuso.

“I will give him a second chance but this should serve as an eye-opener that animals should not be maltreated,” ani Lucio.

Pauwi umano ng kaniyang bahay si Fuentes nang buhusan niya ng mainit na tubig ang nakataling aso ng kapatid ni Lucio.

Nang komprontahin siya nina Lucio, sinabi nitong tahol nang tahol ang aso sa kaniya na siyang naging dahilan ng pagbuhos niya rito ng mainit na tubig.

Sinabi naman ni Lucio na kung may nagawa mang kasalanan ang aso kay Fuentes, dapat na kinausap na lamang niya silang may-ari at hindi ginawa ang ganoong pag-aabuso sa kanilang alaga.