Kaagad na itinanggi ni Police Regional Office 2 (PRO2) acting director, Brig. Gen. Percival Rumbaoa na mga pulis ang umambus at pumatay kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at sa lima pa niyang tauhan sa Bagabag, Nueva Vizcaya nitong Linggo ng umaga.

Gayunman, tumangging isapubliko ni Rumbaoa ang pinagbatayan nito sa kanyang pahayag dahil patuloy pa rin umano ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.

Nangako ang opisyal na mabibigyan ng hustisya ang pagkakapaslang sa mga biktima.

Nauna nang naiulat na naka-uniporme ng pulis ang mahigit sa anim na umambus sa grupo ni Alameda at tumakas gamit ang government vehicle na Mitsubishi Adventure na may plakang SFN-713, patungong Solano, Nueva Vizcaya.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Bukod sa bise alkalde, napatay din sina Alexander Agustin Delos Angeles, 47; Alvin Dela Cruz Abel, 48; Abraham Dela Cruz Ramos Jr, 48; John Duane Banag Almeda, 46, pawang taga-Aparri, at isa pang kasamahan na hindi pa nakikilala.

Papunta sana sa Manila ang mga biktima sakay ng Starex van nang pagbabarilin ng mga suspek sa Sito Kinacao, Barangay Baretbet nitong Linggo ng umaga.