Sinabi ni Senador Robinhood “Robin” Padilla nitong Sabado, Pebrero 18, na pinangakuan siya ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na hindi nito papayagang ipalabas sa Pilipinas ang Hollywood film na “Plane” dahil pinapasama umano nito ang imahen ng bansa.

Sa panayam ng DWIZ 882, sinabi ni Padilla na natanggap niya ang pangako ng mga opisyal ng MTRCB na pinangunahan ni Chairperson Diorella “Lala” Sotto. Nagpunta raw ang mga ito sa Senate office nitong Biyernes, Pebrero 17.

“Pinangako po nila na kanila pong tinawag kaagad ng pansin ‘yung distributor [ng pelikula],” ani Padilla. “Kinausap po nila ang distributor. At ngayon, ang gusto natin masulatan natin ang mismong producer.”

Matapos pasalamatan ang MTRCB, ipinaliwanag din daw ni Padilla sa mga opisyal nito kung bakit hindi dapat ipalabas sa Pilipinas ang naturang pelikula.

National

PUP nagbukas na rin ng klase para sa female PDLs ng Manila City Jail

“Katatapos lamang po ng pandemic, binubuksan pa lamang po natin ang ating turismo, [tapos] ito, merong pelikula na nagsasabi na dito sa Pilipinas ay walang law and order. Ang nasusunod dito sa Pilipinas, sa Jolo, ay mga rebelde at mga terorista. At ang ating kasundaluhan ay nagtatago, bahag ang mga buntot, eh pangit po ito,” aniya.

Dagdag ni Padilla, inilagay rin daw sa pelikula na kontrolado na ng mga rebelde ang Jolo at nakapanig ang mga residente ng Jolo sa mga terorista.

“Sabi ko sana kung pinandigan na lang ng pelikulang ito na fiction lang siya, hindi na nila nilagay ang Pilipinas,” ani Padilla.

Wala pa namang pahayag ang produksyon ng "Plane" hinggil dito.