Pinaghatian ng magkaibigang sina Juanito Maray, 56, at Christopher Romero, 47, kapwa mula sa Pasig City, ang kanilang nabiling mga pares ng sapatos. Naputulan kasi ng kanang paa si Maray habang kaliwang paa naman ang nawala kay Romero. Dahil dito, anila, walang nasayang sa sapatos, at pareho pa silang nakatipid.

Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Maray na pareho silang presidente ng organisasyon ng persons with disabilities (PWD) na may pangalang ‘AKKAP’ ng sa kani-kanilang barangay. Kaya naman nagkakilala sila sa panlungsod na samahan ng nasabing organisasyon na tinatawag na ‘AKKAPP PWD PASIG’.

Nagsimula raw ang ideya ni Maray na ayain si Romero na bumili ng sapatos nang makita niya ang nakapaskil na ‘sale’ sa bagong store ng sapatos sa kanilang lugar. Sakto naman daw dahil nagkita sila ni Romero noong Enero 24 sa distribution ng food packs para sa mga PWD.

“Sinabi ko sa kaniya kasi po kaliwang paa ko ang may sapatos tapos siya kanang paa naman. Magkasukat [din] kami ng paa. Kaya sabi ko ‘Pres., bili tayong sapatos, 3 for 1k. Hati tayo, tig-500 tayo para ‘di sayang ‘yung kabilang sapatos’,” ani Maray.

Ina, may open letter sa pastor dahil sa umano'y pambubully sa anak sa simbahan

Agad naman daw pumayag si Romero kaya nagtakda sila ng araw ng kanilang pagbili.

Natuwa naman ang magkaibigan nang matuloy silang na bumili ng tatlong pares ng sapatos sa halagang ₱1,000.

“Una natatawa kami kasi nga nakatipid kami kahit paano at walang masasayang na sapatos,” ani Maray. “Kasi po sa panahon ngayon kung bibili ako ng sarili ko, 1 lang mabibili ko, 400 pa tapos hindi ko pa magagamit ‘yung right na sapatos.”

Naging mapalad din daw si Maray na makilala si Romero dahil simula nang maputulan siya ng kanang paa noong 2005 dahil sa impeksyon, tumigil na siya sa pagbili ng sapatos dahil sa nanghihinayang siya na hindi rin naman magagamit ang kanang pares nito.

“Naimpeksyon po ‘yung daliri ko sa right leg ko. Medyo napabayaan, akala ko magaling na ‘yung sugat, hindi po pala [dahil] sa loob sariwa pa eh lagi ako nakasapatos sa work ko,” ani Maray.

“Meron ako sandals, ok lang di ko magamit ‘yung kanan kasi bigay lang ‘yun sa’kin ng bayaw ko. Sa sapatos naman, may nagbibigay sakin mga pinaglumaan na. Minsan sa anak ko na luma ‘yung ginagamit ko araw-araw,” dagdag ni niya.

Ibinigay naman daw niya kay Romero ang mga kanang pares ng sapatos at sandals na ipinagkaloob sa kaniya noon ng kaniyang pamilya at kamag-anak. Para wala sayang, at pareho silang masaya.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!