Binigyang-diin nitong Huwebes, Pebrero 16, ni Vice President Sara Duterte na kinakailangan nang maagapan ang lumalalang estado ng edukasyon sa Pilipinas upang mailigtas ang kinabukasan ng mga bata sa bansa.

Sa ginanap na Association of Registrars of Schools, Colleges, & Universities - Technical Vocational Training Institution, Region 11 Annual Convention and 22nd Mindanao-wide Invitational sa Davao City, hinikayat ni Duterte ang mga kinauukulan na lumahok sa kanilang misyon na solusyunan ang krisis ng edukasyon.

“The kind of hard work that we exert, that we put into our jobs — being adults that children look up to — is supposed to be the kind of hard work that should spark the fire that will inspire them to work harder and harder to achieve their dreams,” ani Duterte.

Bilang kalihim ng Department of Education (DepEd), inilahad din ni Duterte ang plano umano ng sektor na tutukan ang benepisyo ng mga guro at mag-aaral, at ang muling rehabilitasyon ng mga pasilidad sa paaralan para pataasin ang antas ng edukasyon.

National

PUP nagbukas na rin ng klase para sa female PDLs ng Manila City Jail

Samantala, muling binanggit muli ni Duterte ang programang “MATATAG: Bansang Makabata, Batang Makabansa,” na inilunsad ng DepEd noong Enero 30.

Sa pahayag ni Duterte sa Facebook, nagbibigay-daan umano ang MATATAG upang “itakda ang bagong direksyon ng ahensya at mga stakeholder sa paglutas ng mga hamon sa basic education.”

“Ang proyektong MATATAG ay naglalayong malutas ang mga hamon na ating hinaharap, at sa pagtiyak ng epektibong paghahatid ng pangunahing edukasyon sa mga Pilipinong mag-aaral,” ani Duterte.