"Inalsa-balutan" na umano ng showbiz columnist/reporter na si Cristy Fermin ang kaniyang mga gamit at kasangkapan sa condominium unit na ibinigay sa kaniya ni Wowowin host Willie Revillame matapos ang naging mga pahayag nito kamakailan.

Matatandaang nagbigay ng matatalim na pahayag ang Wowowin host sa kaniyang live telecast sa ALLTV hinggil sa tatlong showbiz personalities na binabanatan umano siya dahil sa nangyayari sa kaniyang home network. Napabalita kasi ang pansamantalang pagtigil sa ere ng ilang self-produced show ng bagong bukas na Villar-owned network.

Pumalag si Cristy dito at nakapag-usap naman ang dalawa. Humingi na rin ng tawad si Willie sa kaniyang nanay-nanayan.

Bagama't nagkapatawaran na, hinakot ni Cristy ang mga gamit niya upang wala nang "sumbatan."

Willie Revillame, humingi ng dispensa kay Cristy Fermin: 'Sorry nasaktan kita!'

“Ito po ay ginawa ko bilang paglalagay ng tuldok sa anumang usap-usap na kumbaga para wala ng isinusumbat sa atin, naghakot na po kami, ang naiwan na lang po ay aircon, isang malaking mesa at saka kama dahil hindi po kaya ng sasakyan… pero pababalikan po namin ‘yun,” ani Cristy sa radio program nilang "Cristy Ferminute" ni Romel Chika.

"Kung barubal po ang aking bibig katulad ni Willie Revillame, puwede ko pong sabihin na 'Oh heto na yung condo mo, isaksak mo sa baga mo,' pero hindi po ako kasimbarubal ni Willie Revillame…" giit pa ni Cristy.

Ito raw ay pagbibigay-tuldok sa mga bagay na hindi naman niya hiningi o ipinagmakaawa.