Inaprubahan na ng gobyerno nitong Miyerkules ang pag-aangkat ng 440,000 metriko toneladang asukal upang mapatatag ang suplay at presyo nito sa bansa.

Sa Sugar Order (SO) No. 6 na ipinost sa website ng Department of Agriculture (DA), binanggit na ipinadala ang kopya nito sa Office of the President nitong Pebrero 9.

Iniutos ng SRA ang pag-aangkat ng asukal kahit hindi pa pirmado ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang kautusan.

Kabilang sa pumirma sa SO sina DA senior Undersecretary Domingo Panganiban, Acting SRA Administrator David John Thaddeus Alba, SRA Board members Mitzi Mangwag (millers’ representative) at Pablo Luiz Azcona (planters’ representative).

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Paliwanag ni Azcona, si Panganiban umano ang kinatawan ni Marcos sa SRA Board.

Nasa 200,000 metriko toneladang aangkatin ang ilalaan sa consumer habang ang 240,000 metriko tonelada naman ay magsisilbing buffer stock.

Ang unang 100,000 metriko tonelada ay darating sa bansa sa lalong madaling panahon habang ang ikalawang 100,000 metriko tonelada ay inaasahang darating bago mag-Abril 1, 2023.

Inaasahang darating sa bansa ang huling 240,000 metriko tonelada sa Abril.