Patay ang tatlong babae habang sugatan ang isang lalaki nang pagbabarilin ng kanilang kapitbahay sa Barangay 10, Caloocan City nitong Miyerkules ng gabi, Pebrero 15.
Kinilala ng Caloocan City Police Station (CCPS) ang mga nasawi na sina Lourme Orbe, 72; Angelica Orbe, 39; at Mary Jane Abary; 48, pawang residente ng Barangay 10.
Kinilala ang sugatang biktima na si Christian Orbe, 38, asawa ni Angelica.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na ang tatlong miyembro ng pamilya Orbe ay pinagbabaril ng suspek na si William Jaymee Sy, 46, sa labas ng kanilang bahay sa kanto ng Gen. Luna, 5th Street bandang 6:40 p.m., Miyerkules.
Sinabi ni Col Ruben Lacuesta, hepe ng CCPS, si Abary, na dumaan lang sa lugar, ay binaril din ng suspek.
Dead on the spot sina Lourne at Angelica, habang idineklara namang dead on arrival sa Caloocan City Medical Center si Abary.
Isinugod si Christian sa ospital para magamot
Agad namang naaresto ang suspek ng mga rumespondeng tauhan ng CCPS.
Narekober ng mga awtoridad mula sa suspek ang isang Glock 17 9mm pistol, isang revolver, isang shotgun na may walong bala, isang kahon ng bala, isang folding knife, at dalawang cellphone.
Sinabi ni Lacuesta na hindi pa matukoy ng mga imbestigador ang motibo sa likod ng pamamaril.
Aaron Homer Dioquino