Umabot na sa mahigit 7-milyon ang mga batang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig noong Pebrero 6 sa Turkey at Syria, ayon sa United Nations (UN) nitong Martes, Pebrero 14.

Sa ulat ng Agence France Presse, sinabi umano James Elder, spokesman para sa UN children’s agency na Unicef, sa mga mamamahayag sa Geneva na nasa 4.6 milyong mga bata na ang naapektuhan sa limang probinsya ng Turkey, habang nasa 2.5 milyon naman umano ang bilang ng mga batang naapektuhan sa bansa ng Syria.

“Unicef fears many thousands of children have been killed… even without verified numbers, it is tragically clear that numbers will continue to grow,” ani Elder.

Bukod umano sa mga naipit sa mga gumuhong gusali dahil sa nangyaring malakas na pagyanig, libo-libong mga pamilya, kasama ang kanilang mga anak, ang wala pa ring matitirhan habang nakararamdam ng pagkaginaw at gutom.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Marami rin daw ang takot na umuwi sa kanilang tahanan kaya’t natutulog na lamang sa mga kalsada, paaralan, at iba pang open areas.

Ayon kay Elder, dahil sa pagkaginaw na dulot ng pananatili sa labas ng bahay, lalo tumaas ang mga kaso ng hypothermia at respiratory infections sa mga bata.

“Tens of thousands of families are exposed to the elements at a time of year when temperatures are bitingly cold, and snow and freezing rain are common,” aniya.

Sa ngayon ay umabot na umano sa mahigit 35,000 ang mga namatay sa dalawang bansa dahil sa lindol. Ayon kay Elder, nakakatakot daw isipin ngunit malaki ang tyansang tumaas pa ang bilang na ito dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng dalawang bansa.

“Many, many children will have lost parents in these devastating earthquakes,” babala ni Elder. “It will be a terrifying figure.”