Nagsagawa ng kilos protesta ang mga iba’t ibang grupo ng magsasaka at mangingisda sa labas ng Department of Agriculture (DA) laban sa Rice Liberalization Law (RLL) na nasa ika-apat na anibersaryo na ng pagkakatatag nitong Martes, Pebrero 14.

Pinangunahan ang nasabing kilos protesta ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Amihan National Federation of Peasant Women, Anakpawis, at Bantay Bigas.

Pinananawagan ng mga nasabing grupo at iba pang nakilahok na mga magsasaka at mangingisda na ibasura na ang RLL na siyang nagpababa umano ng presyo ng palay at higit na nagpahirap sa mga magsasaka.

Sa inilabas na Facebook post ng KMP, ibinahagi ng kanilang chairperson na si Danilo Ramos na tinatayang P206-bilyon ang nawala sa mga magsasaka sa palayan mula nang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang RLL noong Pebrero 14, 2019.

National

PUP nagbukas na rin ng klase para sa female PDLs ng Manila City Jail

"Ilang taon matapos ang pagpapatupad ng rice liberalization, dumausdos ang presyo ng palay sa buong bansa, laluna sa mga rice-producing na probinsya at rehiyon. Lalong naibaon sa pagkakautang ang mga magsasakang wala na halos kinikita sa panahon ng anihan," ani Ramos.

Dagdag niya, lalo pa raw tumaas ang import dependency sa bansa pagdating sa bigas kahit pa may pagtaas sa lokal na production output.

"Instead of fully supporting and boosting local food production through agricultural subsidies, the government persists to rely on agricultural imports -- imported rice, onion, garlic, meat and vegetables for local consumption," saad ni Ramos.

Samantala, sigaw din sa nasabing kilos protesta ang pagbababa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang DA secretary dahil hindi umano epektibo ang pamamalakad nito para masolusyunan ang food inflation sa bansa.

"We have no love for Bongbong Marcos Jr who is also heartleass and callous to the real plight and demands of farmers and food producers. Marcos Jr should step down as DA Secretary to save the agriculture sector," ani Ramos.

Panawagan ng grupo na magsulong ang gobyerno ng mga tunay na papanig sa ikabubuti ng sektor ng agrikultura tulad umano ng pagpapasa Rice Industry Development Act (RIDA) at Genuine Agrarian Reform Bill (GARB).