Patuloy na uulanin ang malaking bahagi ng bansa ngayong araw ng mga puso, Pebrero 14, bunsod ng low pressure area (LPA) at northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, magiging maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas at Mindanao dahil sa LPA. Maaaring makaranas ng pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa rito dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Makararanas naman ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dulot ng amihan. Wala namang inaasahang malaking epekto ang pag-ulan dito.

Samantala, magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa Palawan dahil sa localized thunderstorms.

Ayon sa PAGASA, posible rin ang pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa lugar na ito tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.