Ayon sa isang ulat nitong Biyernes, Pebrero 10, sa ikatlong pagkakataon ay nagdesisyon nang sumabak muli sa prestihiyusong Miss Universe Philippines 2023 ang Boholana-Belgian beauty queen na si Pauline Amelinckx.

Ito ang viral na impormasyon na mababasa sa Facebook page na Pinoy History na mayroong nasa mahigit 1.2 million followers sa pag-uulat.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Anito, ang 25-anyos na pageant veteran ay nagpasya na umanong sumabak sa premyadang national pageant ngayong taon.

Matatandaang unang nagpamalas ang Boholona beauty ng kaniyang ganda at talino sa Miss Universe 2020 pageant kung saan siya ang itinanghal na third runner-up.

Noong 2022 lang, pumangatlo si Pauline nang tanghaling Miss Universe Philippines Charity 2022 kung saan si Celeste Cortesi ang itinanghal na titleholder.

Ngayon, excited na agad ang maraming pageant fans para sa comeback ng Pinay sa patok na pageantry.

Bumuhos ang suporta para kay Pauline sa viral news na mayroon nang nasa 26,000 reactions at mahigit 9,300 shares sa pag-uulat.

Gayunpaman, nananatiling wala pang kumpirmasyon mula sa kampo ni Pauline ang tungkol sa balita.

Nang matanong naman ang Boholana beauty queen ng isang fan sa isang event kamakailan, tila may paghahanda lang ang mapapansin sa naging sagot nito.

“Lalaban pa ba?” tanong ng isang fan kaugnay nga sa potensyal na pagbabalik ni Pauline sa pageantry ngayong taon.

Saad lang ng suki ng MUP: “Abangan mo ‘ko. Wait for me.”

Basahin: Pauline Amelinckx, umasang masusungkit ang Miss Universe Philippines title noong Abril – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Noong nakaraang taon, buong pusong inamin ni Pauline na umasa siyang makokoronahang Miss Universe 2022.

“I honestly thought that I could win; that I could have won after the entire performance. Even now looking back, I don’t think I could have done it differently. I gave it my all, I gave it my best and after answering the Top 5 Q&A, I was already happy. I told myself, ‘Universe, Jesus, it’s up to you now. I gave it my all. Whatever happens, I’m happy,’” pagpapakatotoo ng beauty queen mula dokumentaryong inilabas ng Empire Philippines noong Agosto 2022.

Samantala, hanggang Martes, Pebrero 14 na lang ang deadline ng aplikasyon sa MUPH.