Kinahumalingan ng netizens ang kinuhanang larawan ng photographer na si Jay Jallorina, 46, mula sa San Juan City, tampok ang napakagandang pagdadaupang-palad ng Mt. Pulag sa Benguet at Milky Way galaxy.

Larawang kuha ni Jay Jallorina

Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Jallorina, isang full time professional photographer, na dalawang araw nag-camping ang kanilang grupo sa taas ng Mt. Pulag para maabangan ang pagpapakita ng Milky Way galaxy.

Mga Pagdiriwang

ManilART 2024: Alamin ang iba’t ibang sining na tampok dito

“Pag homestay kasi, mahihirapang makapwesto nang maaga. Unless mag-start ng climb from jump off ng mga 10 pm. Nakakapagod,” aniya.

Sa pangalawang araw nila sa nasabing bundok bandang alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng madaling araw, doon na raw nila nasilayan ang ‘magical’ na pagtatagpo ng Mt. Pulag at Milky Way.

“The conditions were perfect: clear, starry skies, little moisture to dampen our lenses, tolerable winds,” ani Jallorina. “I took as many shots as I can, my fingers numb in the near freezing winds at 2,800 meters above sea level.”

Isang dekada na raw kinukuhanan ng larawan ni Jallorina ang Mt. Pulag at Milky Way galaxy dahil sa angkin nitong ganda.

“Grateful kasi first time ko nagawa ito since nag-pandemic. Akala ko hindi na mauulit.” saad niya.

Masaya naman daw si Jallorina dahil marami ang humanga sa naturang larawan na ibinahagi niya sa social media.

“Grateful na sobra. Kasi kahit papaano maraming na-inspire na magtungo sa Pulag at ma-experience ‘yung ginaw at napakagandang mga tanawin doon. Masarap din sa feeling na napapakita natin ‘yung angking ganda ng bansa natin,” saad ni Jallorina.

“I feel grateful and proud to use my talent to showcase our own country.”

Ayon kay Jallorina, maaaring makita ang iba pa niyang nakuhanang larawan sa kaniyang website.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!