Naglabas na ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa aktor at television host na si Luis Manzano kaugnay sa umano'y pagkakasangkot nito saFlex Fuel Petroleum Corporation investment scam.

Binanggit ng NBI sa isang panayam sa telebisyon nitong Biyernes, naisilbi na nila ang subpoena sa bahay ni Manzano sa Taguig City bilang tugon na rin sa isinampang reklamo ng mga investors laban sa aktor at sa iba pang opisyal ng kumpanya.

Idinahilan ng NBI, nais nilang makuha ang paliwanag ni Manzano at iba pang opisyal ng korporasyon kaugnay sa usapin.

Nauna nang inihayag ni Jinky Sta. Isabel, na namuhunan umano siya ng halos ₱4 milyon upang maging co-owner ng dalawang Flex Fuel gas station noong 2020.

National

First Family nagbakasyon sa Suba Beach, Ilocos Norte sa Huwebes Santo

Pinangakuan umano si Sta. Isabel na kikita ng ₱140,000 kada tatlong buwan. Gayunman, nasa ₱90,000 pa lamang umano ang natanggap niya simula 2021.

Apela nito sa kumpanya, ibalik na lamang ang kanyang puhunan at hindi na siya maghahain ng kaso.

Kamakailan, itinanggi ng kumpanya ang alegasyong sangkot sila sa investment scam. Gayunman, aminado sila na bumagsak ang kanilang negosyo dahil na rin sa pandemya ng coronavirus disease 2019.

Itinanggi na rin ni Manzano ang alegasyon at sinabing "biktima" rin unano siya matapos hindi maibalik ang milyun-milyong ipinuhunan nito sa kumpanya.

Nagbitiw si Manzano sa pagiging chairman of the board ng Flex Fuel noong Pebrero 2022.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni NBI Spokesperson Giselle Garcia-Dumlao na magiging patas ang imbestigasyon nila sa usapin.