Humingi ng tawad si Wowowin host Willie Revillame sa kaniyang nanay-nanayang showbiz columnist/insider na si Cristy Fermin matapos niya itong isama sa "blind item" hinggil sa ilang showbiz personalities na natulungan niya noon, at ngayon ay may masasakit na salitang binibitiwan patungkol sa kaniya, kaugnay ng ulat na pansamantalang ititigil ang pag-ere ng ilang programa ng ALLTV.

Sa pag-ere ng February 8 episode ng kaniyang programang "Wowowin," inamin ni Willie na nadala lamang siya ng kaniyang emosyon dahil spliced lamang ang napanood niyang episode ng "Cristy Ferminute." May nagsabi raw kasi sa kaniya na bakit sinabihan raw siya ni Cristy na "yabang-yabang" niya gayong anak-anakan siya nito.

“Napain lang ako eh, may nagsabi sa akin na ‘Akala ko ba nanay mo ‘yang si Cristy Fermin, bakit sinabi na ang yabang-yabang mo daw’. So parang naano na ako dahil ganoon na ‘yung mga dumadating,” esplika ng TV host.

Labis na nasaktan si Willie sa mga nasabi ni Cristy sa kaniya kaya nagsiklab ang kaniyang kalooban.

Cristy, inispluk ang dahilan kung bakit binigyan ng condo unit, kotse ni Willie

“Kaya ako ayokong magbabasa ng Facebook at YouTube na negative, siyempre nasaktan ako doon dahil parang nanay ko ho ‘yan si Nanay Cristy at ‘yun nga may nasabi akong hindi maganda sa kaniya dito kagabi na nasaktan ko ang pamilya niya, siya."

“Ang pagkakamali ko ho ay hindi ko kasi napanood ‘yung Cristy Ferminute dahil ayoko nang manood. Ang pagkakamali ko doon ay nagdesisyon ako na magsalita, ako ho ‘yung nagkamali dito," dagdag pa niya.

Gaya ng nabanggit ni Cristy noong hapon sa kaniyang programa, naibahagi rin ni Willie na nagkausap, nagkasigawan, at nagkamurahan daw sila ng kaniyang nanay-nanayan, na nangyayari naman daw talaga sa kahit na kaninong relasyon.

Nilinaw ni Willie na hindi siya nanunumbat, at kung may nasabi man siyang masasakit, dulot lang ito ng kaniyang emosyon.

“Tita Cristy, para mo na akong anak para na kitang nanay, humihingi ako ng tawad sa’yo, pasensya ka na dahil alam mo naman nag-iisa lang ako, ilang araw akong nag-iisa sa kuwarto at nag-iisip… Hindi ako nagbabasa ng kahit ano, nag-iisip lang ako,” paghingi ng tawad ni Willie.

“Tita Cristy at sa mga anak mo, galing sa puso ko, I’m really sorry nasaktan kita. Alam ko pinaglaban mo ko,” dagdag pa.

Matatandaang sinabi rin ni Cristy na mahal niya si Willie bilang anak-anakan, kahit mataas ang emosyon ang naging pagsisiwalat niya ng panig tungkol sa "mayabang" issue.

"Kung hindi mo nasaksihan, kung hindi mo nakita ang resibo, 'wag kang magsasalita. Diyan ka lagi naiipit. Dapat pinanonood mo nang buo para malaman mo kung may malasakit ba ang taong nagsalita o wala, 'yon lang 'yon."

"Nakakasakit po ng damdamin," pag-amin pa ni Cristy. "Anong utang na loob ang dapat kong tanawin sa 'yo Willie Revillame, magbilangan tayo," medyo muling tumaas ang tinig na untag ng showbiz columnist.

"Masakit sabihin, masakit marinig, nagkatulungan tayong dalawa."

Nakiusap daw si Willie kay Cristy na 'wag siyang iwanan sa kabila ng mga nangyayari ngayon sa kaniya.