Pumalag si Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa alegasyong nagkaroon ng conspiracy o sabwatan sa paglilipat ng ₱809 milyong pondo sa 20 ospital kaugnay sa programa ng gobyerno laban sa kanser.

Sa isang television interview nitong Huwebes, todo-tanggi si Vergeire sa alegasyon ni Dr. Clarito Cairo, Jr., program manager ng cancer control division ng DOH-Disease Prevention and Control Bureau, na nagkaroon ng irregularidad sa usapin.

Aniya, direkta na nilang inililipat ang pondo sa 20 ospital upang mapabilis ang proseso at upang hindi na umano maulit ang pagkakaantala nito noong 2022.

Banggit ni Vergeire, ang naturang sistema ay aprubado ng National Integrated Cancer Control Council (NICCC), ang policy-making body para sa pagkontrol ng kanser sa bansa.

National

PUP nagbukas na rin ng klase para sa female PDLs ng Manila City Jail

"Dahil nga po 'yung ating pinabibili dati natin ng gamot 'yung mechanism natin dati hindi napayagan ng ating COA (Commission on Audit) because may unliquidated funds 'yung bumibili po ng gamot natin, so we had to have another means of procurement. Wala pong nawala dito sa prosesong ito," giit ng opisyal.

Sa alegasyon naman ni Cairo, dapat 31 na ospital ang bibigyan ng pondo at hindi 20 na aprubado ng NICCC kaya kawawa  umano gobyerno at ang mga pasyenteng may kanser na makikinabang nito.

Paglilinaw naman ni Vergeire, ang mga ospital ang nagpapadala ng bilang ng mga pasyente at gamot na kailangan upang madetermina ang pondong tatanggapin ng mga ito.

"Gusto ko lang pong sabihin sa ating mga kababayan, lahat po ng ginawa naming proseso ukol dito sa pagda-download ng pera natin was aboveboard. This was through the National Integrated Cancer Control Council," pagdidiin pa ni Vergeire.