Binigyan ng parangal ng lokal na pamahalaan ng Tacurong City sa Sultan Kudarat si Antolyn Alvarez, 46-anyos na taga-kumpuni at taga-linis ng eskwelahan tinutuluyan, matapos itong magsauli ng napulot na bag na naglalaman ng ₱50,000.

Basahin: Taga-kumpuni, linis sa eskwelahan, nagbalik ng napulot na bag na may lamang ₱50K

Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Alvarez na nasa General Santos City pa raw siya nitong Linggo, Pebrero 5, nang magulat siya dahil biglang nagpadala ng mensahe sa kaniya si Mayor Joseph George Lechonsito sa pamamagitan ng Messenger.

“Sabi niya na pwede daw ba akong maimbitahan sa kanilang tanggapin upang makausap. Wala naman pong ibang sinabing dahilan basta bumisita daw ako kahit anong araw. Natuwa ako at nabigla,” kuwento ni Alvarez.

Mga Pagdiriwang

ManilART 2024: Alamin ang iba’t ibang sining na tampok dito

Agad namang lumuwas pabalik sa tinutuluyang eskwelahan sa Tacurong City si Alvarez kasama ang partner niya.

Kinaumagahan ng Lunes ay pinuntahan daw sila ng dalawang barangay kagawad para ibalita rin na pinapupunta siya ng mayor para makausap. Nagpa-picture pa raw ang mga ito bago umalis.

Pagkarating sa opisina ni Mayor Lechonsito kasama ang partner niya at kapatid nito at pamangkin, ginawaran na si Alvarez ng certificate of commendation at cash gift.

Inalukan din daw siya ng mayor ng trabaho sa munisipyo dahil sa ginawa nitong kabutihan.

Ayon naman sa pahayag ng City Government of Tacurong, magsilbi nawang inspirasyon sa mga Tacurongnon ang ipinamalas ni Alvarez.

“Mayor Lechonsito hopes that Mr. Alvarez's action becomes a ripple of goodwill to all as it epitomizes Tacurongnon's spirit of honesty and integrity and upholds Tacurong's brand and other name, The City of Goodwill,” pahayag pa nito.

Sa ngayon ay labis daw ang kagalakang nararamdaman ni Alvarez sa mga kabutihang naisukli sa kaniya ng kabutihang kaniyang ginawa. 

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!