Halatang-halata ang pagka-tensyon ni Kapuso actor David Licauco nang tawagin na siya ni King of Talk Boy Abunda para sumalang sa "The Talk" ng "Fast Talk with Boy Abunda" kung saan guests sila ng katambal na si Barbie Forteza.

Sikat ang tambalan nila ngayong "FiLay" na nabuo dahil sa kanilang mga role sa sikat na sikat ding "Maria Clara at Ibarra." Si Barbie lamang ang sumalang sa "Fast Talk" dahil ang mga tanong ay may kinalaman kay David at sa jowa ng aktres na si Jak Roberto.

Isa sa mga natanong ni Boy kay David ay kung sakaling single si Barbie, liligawan niya ba ito?

Sa mga katangian daw na bet niya sa isang babae, oo ang sagot ni David.

'Titig ni Jak, titig ni David?' FiLay, game na sumalang sa 'Fast Talk with Boy Abunda'

Hindi naman inaasahan ni David ang mga tanong sa kaniya ng King of Talk patungkol sa kaniyang pribado at personal na buhay-pag-ibig.

"Are you single now?” untag ng TV host.

Mabilis na yes ang sagot ni David subalit hindi raw naniniwala si Tito Boy dahil tila ginawa nito ang kaniyang "assignment." Gulat na gulat naman si David na parang alam na alam ng interviewer ang kaniyang sinasabi. Nangako naman si Tito Boy na hindi niya papangalanan ang babaeng karelasyon ni David dahil pribadong tao ito.

“I know you're separated. Naghiwalay kayong dalawa and then ang alam ko, there was another guy involved na kilala nating dalawa. Was that the reason, David, why you got back?” untag pa ni Tito Boy.

Halatang-halatang natensyon at na-awkward si David sa mga diretsahang tanong ni Tito Boy kaya sumundot na si Barbie, "Parang wala siyang gusto sa mga nangyayari ngayon, Tito Boy!"

"Nagkabalikan kami pero nag-decide kami na maghiwalay na," sagot na lamang ni David.

Naungkat din ni Tito Boy ang naging karelasyon ni David noong nasa bakuran pa ito ng ABS-CBN.

Pinili ni David na hindi pangalanan kung sino ang naging ex-girlfriend sa Kapamilya Network, na noong mga panahong iyon ay may katambal.