Walang pagdadalawang-isip na isinauli ni Antolyn Alvarez, 46-anyos mula sa Tacurong City, Sultan Kudarat, ang isang bag na naglalaman ng ₱50,000 na napulot niya sa isang mesa kalapit ng eskwelahan kung saan siya tumutuloy at nagseserbisyo bilang taga-repair ng sirang pasilidad at tagalinis.

Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Alvarez na napulot niya ang nasabing bag noong Enero 28 sa mesang kalapit ng tinutuluyan niya sa Centerpoint College of Arts and Technology.

“Galing po kasi ako sa labas may, puntahan po ako. Pagbalik ko sa inuuwian ko, may napansin po akong bag nakapatong sa lamesa. Nilapitan ko po. Nag-antay ako ng mga ilang minuto, nagbaka-sakaling may maghanap.

“Noong wala pong dumating, nagpasya na po akong kunin ang bag at dinala ko sa Centerpoint school po, ‘yung inuuwian ko. Nang bukasan ko po nakita kong pera po ang laman,” salaysay niya.

Mga Pagdiriwang

ManilART 2024: Alamin ang iba’t ibang sining na tampok dito

Nang makita ito ay kinabahan daw si Alvarez dahil makapal na pera ang nasa loob ng napulot niya.

“Sobrang kaba po. First time ko po kasing makakita at makahawak ng ganoong kalaking pera,” saad niya.

Gayunpaman, hindi raw sumagi sa isip niya na angkinin ang napulot niyang pera.

“Naku, sabi ko po sa sarili ko eh malaking tulong na po iyon sa’kin. Kaya lang po inisip ko mga anak ko at apo. Ayaw ko po na magtamasa sa perang hindi ko naman po pag-aari,” ani Alvarez.

Nang makita raw niyang may ID sa loob ng bag, agad niyang kinontak ang cellphone number na nakalagay dito. Nang hindi naman ito sumasagot, doon na raw niya naisipang i-post ito sa Facebook sa pagbabakasakaling mahanap niya ang may-ari.

“Sakto naman po na nakita ko at may post na siya na kung sino po nakadampot ng bag ay pakibalik na lang daw. Nakita ko po na may cellphone number doon sa post niya. Tinawagan ko po,” saad niya. “Sabi ko ‘huwag po kayong mag-alala, ako po nakadampot ng bag ninyo.’ Ayon po, laking pasasalamat po sa akin.”

Napag-alaman ni Alvarez na ₱50,000 ang laman nito nang makapagkita na sila ng may-ari para isauli ang napulot na pera. Binigyan naman daw siya ng mag-ari ng pabuya na ₱5,000 dahil sa kabutihan at katapatang ipinamalas niya.

Ayon kay Alvarez, hindi lamang ang may-ari ng pera ang natuwa sa ginawa niya, kundi maging ang sarili nitong pamilya na pinagmamalaki siya.

“Tuwang-tuwa po sa’kin mga anak ko. Proud daw po sila na ako ang naging papa nila. Pati mga kamag anak at buong pamilya ko natuwa.”

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!