Muli na namang lumitaw sa trending list ng Twitter ang actress-vlogger na si Donnalyn Bartolome matapos hindi magustuhan ng maraming netizens ang kaniyang mga binitiwang komento sa isang babaeng tagahanga na "naiinsecure" sa kaniyang sarili matapos manganak.

Mababasa rito na pinuri ng netizen si Donnalyn dahil sa kagandahan nito, at mas lalo siyang naiinsecure kapag napapatingin na siya sa salamin, dahil tila nagbago na ang kaniyang hitsura matapos ang panganganak.

Nagbigay naman ng positive vibe si Donnalyn upang kalamayin ang insecurity ng netizen sa kaniyang hitsura. Aniya, sigurado siyang mas maganda ito kaysa sa kaniya dahil binuntis ito. Siya nga raw ay walang bumubuntis.

"Mommy isipin mo na lang binuntis ka… sobrang ganda mo siguro. Ako walang bumubuntis.. parang talo mo ko sa ganda wag ka na ma-insecure diyan ha… I'm sure maganda ka, smile ka na…"

Donnalyn, binabansagang 'patron saint of labor and employment' ng netizens

Nilagyan niya ito ng caption na "Maganda talaga pag binuntis."

Screengrab mula sa FB ni Donnalyn Bartolome

Bagama't maganda naman daw ang intensyon ni Donnalyn, marami sa mga netizen ang nagsabing "off" ang choice of words niya.

"Dumale na naman pala si St. Donnalyn Patron Saint of Employment. Now, pati yata Maternity Leave?"

"Hayan may entry na si Donnalyn for the month of February."

"Feel ko ang New Year's Resolution ni Donnalyn kay every month dapat may pasabog."

"Nahihirapan na akong intindihin at ipagtanggol ka Donnalyn."

"Number one mantra ni Donnalyn, dapat grateful ka lang palagi."

Sa ngayon ay burado na umano ang naturang social media post.

Matatandaang noong Enero ay naging trending si Donnalyn dahil sa "toxic positivity" sa pagpasok at pagbabalik-trabaho matapos ang holiday break.

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Donnalyn tungkol dito.