Isa ang maglalako ng basahan na si Reynaldo Patron, 54-anyos mula sa Montalban, Rizal, sa mga taong sa kabila ng kapansanang dinadala, patuloy pa ring kumakayod sa buhay para sa mahal na pamilya.

Sa panayam ng Balita Online, ibinahagi ni Patron na nagsimula siyang gumawa at maglako ng basahan noong nagsimula ang pandemic.

“Sa basahan ko po binubuhay pamilya ko. Sa basahan po kami kumukuha ng pang-araw-araw at pag-aaral ng mga anak ko,” ani Patron.

Pito raw ang anak ni Patron ngunit dalawa na lang ang kasama nilang mag-asawa sa bahay na pinapaaral dahil bumuo na ng pamilya ang lima sa mga ito.

Mga Pagdiriwang

ManilART 2024: Alamin ang iba’t ibang sining na tampok dito

Ayon kay Patron, dati siyang family driver, hanggang sa napasma raw siya na siyang dahilan ng kaniyang pagkapilay. Simula raw noon, hindi na siya makapagmaneho, kaya’t pinasok niya ang mundo ng basahan para masuportahan pa rin ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Katulong daw ni Patron sa paggawa ng basahan ang kaniyang may-bahay. Kung marami naman daw ang pa-order, nagpapagawa rin daw siya sa iba para may katulong.

Sa isang araw ay nakagagawa raw si Patron ng lima hanggang sampung basahan.

“Minsan po walang tulog. Minsan po 12 am ng madaling araw pag may order. Pag wala naman po, mga 11 pm tulog ko. At magsisimula ulit mga 6 am kahit hindi pa nag-aalmusal,” aniya.

Nagpapasalamat naman si Patron sa lahat ng mga bumibili ng kanilang mga paninda dahil malaking tulong daw ito para sa kaniyang pamilya.

“Sana po hindi po kayo magsawa na suportahan ako. At sa mga tumulong sa akin, sana po huwag kayong magsawa. God bless,” saad niya.

Ayon kay Patron, para mga nais sumuporta at mag-order sa kanilang mga produkto ay maaari raw bisitahin ang kaniyang account.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!