Magkakaroon ng kaulapan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon nitong Linggo, Pebrero 5, dulot ng northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, magkakaroon ng kaulapan na may katamtamang pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon dahil sa amihan.
Wala namang inaasahang masamang magiging epekto ang mangyayaring pag-ulan dito.
Samantala, magiging maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa mga bahagi ng MIMAROPA, Bicol Region, Visayas at Mindanao na dulot naman ng localized thunderstorms.
Ayon sa PAGASA, maaaring makaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.