Kinaaliwan ng netizens ang post ng guro na si Gelica Reyes Llosala mula sa Montalban, Rizal, tampok ang tsokolateng papremyo sana niya sa makaka-perfect sa exam matapos siyang hamunin ng confident at nag-review niyang mga estudyante.

“Hinamon ako ng isang section na hawak ko. Kapag makaperfect daw sa exam, magbigay ako ng Toblerone. Sige kako, deserve naman nila. Nagcheck kami kanina. Ang galing ng mga bata, nakakatuwa. Ang sarap sa pakiramdam. Ang sarap sa pakiramdam na heto may kakainin akong toblerone,” kwelang saad ni Llosala sa kaniyang post.

Sa panayam ng Balita Online, ibinahagi ni Llosala na nasa Grade 9 ang nasabing mga estudyante. Tinuturuan niya ang mga ito ng TLE subject sa Kasiglahan Village National High School kung saan limang taon na siyang nagtuturo.

“Day before po ng exam, my students challenged me na kapag nakaperfect daw sila sa test, bigyan ko sila ng Toblerone which I agreed,” ani Llosala. “Very confident sila din na maperfect ‘yung exam since nag-review daw sila.”

Tourism

World Architecture Day: Ilang makasaysayang gusali sa bansa na nananatili pa ring nakatayo

Nang magbilangan na raw ng mga naitamang sagot sa kanilang 60-item second quarter exam, very excited daw ang mga estudyante niya at may mga tumitili pa. Kaya nga lang, ang ending ay 56 points ang nakuha ng highest nila. Kinapos ng apat na puntos.

“They traded if pwedeng sa highest score na lang [ibigay] but I reminded them about our agreement na as they requested Toblerone para sa makaka-perfect score,” kuwento ng guro.

Mas na-challenge naman daw dito ang kaniyang mga estudyante at sinabing babawi sila sa 3rd quarter examination.

“Kaya mukhang maraming Toblerone ang need ko sa 3rd quarter exam,” pagbibiro ni Llosala.

Sa ngayon ay umabot na ng mahigit 10,000 reactions, 30 comments, at 2,000 shares ang nasabing post niya sa Facebook.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!