Kamakailan lamang ay naging usap-usapan ang pagsasalita ni Kapuso comedy star Pokwang hinggil sa naging hiwalayan nila ng ex-partner na si Lee O'Brian, sa programang "Fast Talk with Boy Abunda."
Dito ay inamin ni Pokie na nagsinungaling siya upang pagtakpan si Lee, noong natanong siya kung ano ang tunay na dahilan ng kanilang paghihiwalay.
Batay sa panayam ni Tito Boy sa komedyana, isa sa mga pinag-ugatan ng tuluyan nilang hindi pagkakaunawaan ay ang negosyo nilang "PokLee."
Tila minasama raw ng ex-partner ang pagtatanong niya ng update tungkol dito, bilang business partner.
Gusto pa raw sana ni Mamang na ayusin ang kanilang relasyon alang-alang sa kanilang anak na si Malia, subalit tila huli na ang lahat dahil may ibang babaeng "nilalandi" na raw ang American actor, ayon na rin mismo sa kaniya.
Marami naman sa mga kaibigang celebrity at netizen ang nagbigay ng moral support kay Pokwang.
Samantala, sinagot naman ni Pokwang ang isang netizen na nagkomentong siguro daw ay gumugulong na ang annulment nilang dalawa upang maging pormal at legal ang kanilang paghihiwalay.
Sey naman ng komedyante, walang annulment dahil hindi naman sila kasal.
"Buti na lang," pahabol pa nito.
Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Lee O'Brian tungkol sa isyu.