Usap-usapan ang pagdetalye ni Kapuso comedy star "Pokwang" tungkol sa paghihiwalay nila ng American actor na si Lee O'Brian, sa Friday episode ng "Fast Talk with Boy Abunda."

Tahasan at walang menor na tanong ni Tito Boy, bakit daw nagsinungaling si Pokie nang unang mauntag kung bakit sila naghiwalay noong 2022? Sinabi kasi ng komedyana na hindi pera at third party ang dahilan ng kanilang hiwalayan. Ngunit batay sa mga sagot niya sa panayam, pera nga ang puno't dulo ng lahat.

Sagot ni Pokwang, kinailangan niyang gawin iyon upang pagtakpan pa rin ang ex-partner na ama ng kaniyang anak na si Malia. Dito ay isinalaysay na nga ng komedyante ang puno't dulo ng kanilang hindi pagkakaunawaan: ang negosyo nilang gourmet food na "PokLee."

Aniya, ang gusto lang naman daw ni Pokwang ay ma-update sa kung ano na ang lagay ng negosyo, na tila minasama raw ni O'Brian. Dito na napaiyak ang komedyana.

Pokwang, nagsalita na hinggil sa hiwalayan nila ni Lee O'Brian: 'Pakiramdam ko, di niya ako minahal!'

Nabunyag na rin ni Pokwang na matagal na pala silang hindi halos nagkikibuan ng ex-partner. Bago pa man daw ang komprontasyon dahil sa negosyo, inamin ni Pokwang na hindi na sila nag-uusap ni Lee. Parang pakiramdam daw niya ay nawala na ang respeto sa kanilang relasyon. Dumating pa raw sa puntong hindi sila nagkikibuan kapag nagkakasalubong sa hagdanan sa loob ng kanilang tahanan.

Kaya raw nasasaktan si Pokwang ay dahil tila nasayang daw ang pakikipaglaban niya para kay Lee noon. Marami raw kasing kontra dito para sa kaniya, magmula sa kaniyang mga kapamilya, kaibigan, at supporters.

"Sayang lahat… sayang lahat ng mga pagtatakip ko, sayang lahat ng paglaban ko para sa iyo, nawala yung ibang mga kaibigan ko… nag-aaway kami ng mga kamag-anak ko dahil sa pagtatanggol sa kaniya, ang hinihingi ko lang naman eh mabuo tayo ulit…" lumuluhang sabi ni Pokwang.

Kinumpirma rin ng komedyana na talagang pinalayas niya si O'Brian sa kanilang pamamahay dahil ito raw ang pinakamagandang gawin upang hindi na masaksihan ni Malia ang kanilang singhalan sa isa't isa.

Inamin pa ni Pokwang na talagang minahal niya ang ex-partner, at umaasa siyang aayusin nito ang kanilang pamilya. Subalit tila gumuho na rin ang pag-asa niya matapos niyang malamang may ibang babae na nga itong "nilalandi."

Pakiramdam niya, hindi raw talaga siya minahal nito at napilitan na lamang na pakisamahan siya dahil may anak na nga sila.

Nag-iwan naman siya ng mensahe para sa ex-partner, kung sakaling nanonood ito nang mga sandaling iyon.

"Minahal kita. Lumaban ako para sa anak natin… lahat ng mga pambabato sa akin, lahat sinasalo ko para sa anak natin. Hindi ko nakita 'yon sa'yo, hindi ko naramdaman sa'yo… "

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Lee O'Brian tungkol sa isyung ito.