“Mga anak ko, paghati-hatian ninyo ‘to. Love, Mama.”
Isang liham na may kasamang paper bills na nagkakahalaga ng ₱120 ang napulot ni Ghie Tabinas-Consuelo sa service road ng Quezon Avenue. Kaniya itong pinost sa Facebook sa pag-asang mahahanap niya ang may-ari nito. Ramdam niya na kailangan ito ng may-ari na isa ring ina tulad niya.
Sa panayam ng Balita Online, ibinahagi ni Consuelo na nakalagay sa sulat ang mensaheng “I love mga anak ko. Paghati-hatian ninyo ‘to. Love, Mama” habang nakasulat din doon ang pangalan ng anim niyang anak na sina Justine, Russie, Palo, Ella, Kaylie, at Marvin. Nakalagay rin daw sa sulat ang paghati sa ₱120 nang pantay-pantay, kung saan bente ang matatanggap ng bawat isa sa kanila.
“Kinurot po ‘yung puso ko sa mensahe ng nanay. dama ko po kasi sa letter ng nanay na pinaghirapan niya ‘yung maliit na halaga at hinati nang pantay-pantay sa anim niyang anak. Nakakaluha po sobra ‘yung message. Kaya gusto kong maibalik,” aniya.
“Naalala ko rin sa kaniya ang mother namin na nag iiwan din po ng letter sa kapirasong papel at laging mayroon sa dulo ng letter niya -Love Mama. Ansarap ng may nanay,” saad pa ni Consuelo.
Nakita raw ni Consuelo ang nasabing papel na nakabalot sa isang plastic nitong Huwebes, Pebrero 2, bandang alas-2:00 ng hapon sa service road ng Quezon Avenue habang naglalakad siya patungo sa sakayan ng jeep papuntang city hall.
“Out of curiosity, pinulot ko, binuksan at nabasa ko po ang mensahe ng nanay na may kalakip na 120, nakaramdam ako agad ng awa. Wala namang tao po sa area. Mga around 20 mins po akong naghintay pero wala pa rin kaya sumakay na lang po ako ng jeep,” kuwento niya.
Dahil hindi niya alam kung paano sisimulang hanapin ang may-ari ng sulat na may kalakip na pera, naisip na lamang daw niyang i-post ito sa Facebook sa pagbabakasakaling magme-message ang may-ari nito.
Maraming netizens din ang naantig sa nasabing post ni Consuelo. May mga nag-message na rin daw sa kaniya na kung sakaling kontakin na siya ng nanay na siyang may-ari ng sulat, nais daw nilang dagdagan ang ₱120 nito.
Ayon kay Consuelo, ang sinumang nakakakilala sa may-ari ng sulat o sa mga anak na nakalista rito ay maaaring makipag-uganayan sa kaniyang Facebook account.
–
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!